MULING nabulabog ang pamilya Binay nang humarap sa Senado si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado noong Huwebes, at idetalye ang pagtanggap umano nila ng milyon-milyong kickback mula sa mga proyekto.
Mantakin ninyong ayon kay Mercado, nakatatanggap daw si Vice Pres. Jejomar Binay ng 13 porsyento mula sa bawa’t proyekto noong nakaupo pa bilang alkalde ng Makati. Palagay nga raw niya ay nakatanggap si Binay ng P52 milyon mula sa Makati City Hall parking building.
Personal umanong idini-deliver ni Mercado ang mga bag ng pera sa personal secretary ni Binay na si “Ebeng Baloloy,” sa finance officer nito na si Gerry Limlingan at sa noon ay Konsehal Junjun Binay.
Maraming pagkakataon din umano niyang ini-hatid ang mga bag sa bahay ni Binay at sasabihin sa kanya na “itabi mo na lang diyan pare at kukunin ni Junjun ‘yan.”
Ang mga bag ay kadalasang naglalaman daw ng P1.5 milyon hanggang P2 milyon. Ang pinakamataas daw na kanyang inihatid ay P10 milyon. Halos linggo-linggo raw ang kanyang pagde-deliver depende sa dami ng proyekto. May panahon naman na madalang at halos wala.
Maging si Elenita Binay na asawa ng bise presidente ay hinahatiran niya umano ng P2.4 milyon kada buwan mula sa kontrata ng kolek-syon ng basura noong alkalde pa. May mga pagkakataon daw na si Sen. Nancy Binay ang tumatanggap ng pera para sa kanyang ina.
Bilang kapalit ay nangako raw si Binay na bibigyan siya ng P120 milyon para sa kampanya ng buong partido nila, pero ang natanggap lamang daw niya ay P80 milyon.
Sa tuwing may lumulutang na testigo sa Senate probe sa kontrobersyal na “overpriced” umanong Makati parking building ay mukhang lalong nawawasak ang pamilya Binay.
Ang tanong ay totoo kaya ang mga isiniwalat ni Mercado? Kung may higit na nakaaalam ng kaganapan sa city hall bukod sa alkalde, ito ay walang iba kundi ang kanyang viee mayor.
At sa estado noon ni Mercado na hindi lang pinagkakatiwalaang kaalyado kundi tapat na kaibigan pa ng pamilya Binay, mga mare at pare ko, marami ang naniniwalang sandamakmak ang nalalaman nito hindi lang sa takbo ng city hall kundi sa mismong pamilya Binay.
Hindi puwede ang puro tanggi nang tanggi na lang. Dapat magpaliwanag ang matandang Binay at pasinungalingan ang lahat ng mga akusasyon na dumurog sa kanila.
Pero hindi lang mga testigo ang dahilan ng paglaglag ng mga Binay kundi sarili rin nila.
Ilang ulit ipinagyabang ng mga Binay na malaki ang nagastos sa gusali dahil world class daw ito.
Pero ayon sa komite na nagsagawa ng ocular inspection ay hindi raw ito maituturing na “world class” sa uri ng istraktura at finishing sa loob ng building. Dahil dito, may mga nagtatanong kung saan daw kaya napunta ang sinasabing pagkalaki-laking ginastos sa gusali?
Manmanan!
***
PUNA: “Good a.m. po, sir, reaksyon ko kay VP Binay. Hindi niya alam na nangungurakot ang vice mayor niya, paano pag president na siya? Pag nangurakot VP niya, ‘di rin niya alam.
Kawawa naman ang mamamayang Pilipino.”
***
TEXT 0946-8012233 para sa inyong mga sumbong, puna at reklamo.
Ruther D. Batuigas