NAHAGIP din ng kontrobersiya ang pangulo ng Senado na si Franklin Drilon.
Sa dinami-dami kasi ng kinasangkutan ni-yang transaksyon ay mukhang ngayon lang sasalto dahil kwestiyonable ang ipinatayo niyang Iloilo Convention Center (ICC) na pinondohan ng kanyang PDAP at DAP.
Malinaw sa pahayag ni Cong. Teddy Ridon ng Kabataan partylist, sobra-sobra ang patong ng ICC dahil mas mahal pa ito sa SMX Convention Center sa Mall of Asia ng tinatayang P531 milyon.
Sinabi rin ng militanteng kongresista, ang sigalot na kinapapalooban ni Drilon sa ICC ay lalo pang naging kompirmado matapos niyang malaman na ang kontraktor ng ICC ay ang Hilmarc’s Construction, na kontraktor rin ng mga Binay sa Makati.
Gusto ni Ridon na siyasatin ng Kongreso ang 20 pinakahuli at pinakamalaking kontratang nakuha ng Hilmarc’s sa gobyerno dahil posibleng punong-puno rin ito ng anomalya.
Sa nangyayari sa ngayon ay lumalabas na ang tunay na kulay ng ating mga politiko dahil malinaw na puro naglilinis-linisan lang sila.
Malinaw na may isyung korupsyon ang mga Binay, Cayetano , Drilon at iba pang politiko kaya’t naghahanap ng bago ang taumbayan.
Pabor sa taong bayan ang nangyayaring bistohan pero hindi ito maganda sa imahe ng bansa dahil lalo lamang nakokompirma kung gaano ka-talamak ang mga kasalukuyang lider ng bansa pagdating sa panghaharbat sa pera ng bayan.
***
Magaling talaga ang liderato ng Muntinlupa sa pamumuno ni Mayor Jaime Fresnedi.
Mantakin n’yo, binigyan niya ng allowance ang mga senior citizen na may edad 90 anyos pataas.
Sa ating pagkakaalam ay bibigyan ni Fresnedi ng P2000 kada buwan ang matatandang may edad 100 pataas habang P1000 naman ang ibibigay sa senior citizens na may gulang na 90 hanggang 99 anyos.
Malinaw na VIP ang mga senior ng Muntinlupa dahil grabe ang pagkalinga sa kanila ni Fresnedi na nauna nang nagbigay ng libreng sine sa matatanda.
Marami pang darating na biyaya sa Lungsod ng Muntinlupa dahil kakaiba ang pagkalinga ni Fresnedi sa kabataan man at katandaan ng siyudad.
Alvin Feliciano