NANINIWALA ang alamat ng basketball sa South Korea na si Shin Dong Pa na hindi dapat gamitin ang mga naturalized na manlalaro sa mga internasyunal na torneo.
Sa panayam ng ilang mga manunulat sa kanya noong isang gabi, sinabi ni Shin na nawawala ang karangalan ng isang bansa kapag isang dayuhan ang naglalaro sa national team.
“In Korea, there are no naturalized players so I never think about it,” wika ni Shin sa tulong ng interpreter. “I don’t believe in naturalized players because a national player should have pride in his native country.”
Reaksyon ni Shin sa desisyon ng Olympic Council of Asia na huwag palaruin sina Andray Blatche ng Gilas Pilipinas at Quincy Davis ng Chinese-Taipei sa darating na Asian Games sa Incheon kahit aprubado na silang dalawa ng FIBA.
Ang Korea nga ay walang naturalized na manlalaro sa national team na sasabak sa Asiad.
“Naturalized players, for me, may not be able to show that much pride for the country he plays for,” ani Shin. “I tell you, will it be meaningful for Michael Jordan to play for the Philippines? That is my point. I believe that Filipino players will do well even without a naturalized player.”
Espesyal na panauhin si Shin sa exhibition game ng LG Sakers ng Korean Basketball League at Barangay Ginebra San Miguel sa Smart Araneta Coliseum kamakalawa.
(James Ty III)