Come, let us bow down in worship, let us kneel before the Lord our maker; for he is our God and we are the people of his pasture, the flock under his care. —Psalm 95: 6-7
HANDANG makipag-giyera ngayong araw ang Samahan ng mga Manininda sa Blumentritt dahil sa nakatakdang pagpapatupad di-umano ng zero vendors policy ng Manila City hall.
Ito kasi ang binitiwang salita ni Rafael “Che” Borromeo, ang chairman ng task force organized vending sa pulong sa kanilang hanay nitong nakaraang Miyerkules, Agosto 20.
Zero vendors daw kasi sa Blumentritt simula ngayon!
***
PERO katulad ng ating nasabi, hindi tayo naniniwalang “wawalisin” ni Borromeo ang mga vendors sa Blumentriitt, matapos umanong hindi magkasundo sa kaniyang organized vending program.
Susme, malaking kawalan ito kay Borromeo. Para siyang nagtaboy ng milyong halaga kapag itinuloy niya ito!
Pera na, naging bato pa!
***
DAHIL kung ipatutupad ang P160.00 singil kada araw, sabihin na natin nasa isang libong vendors (subalit, mahigit isang libong vendors ang nasa Blumentritt) papatak na makakakolekta sila ng mahigit P160,000 kada araw.
At kung susumahin sa loob ng 30 araw o isang buwan ay makaka-kotong este makakakolekta ang city hall ng P4.8M.
Dios Mio! babalewalain ba ito ni Borromeo?!
PERO katwiran ni Boromeo, hindi sa city hall mapupunta ang P160.00 sisingilin, aniya, P50.00 lamang daw ang mapupunta sa kaban, dahil ang P110.00 ay sa pribadong sektor na siyang gagastos sa pagpapagawa ng mga bakal na tent na pupuwestuhan ng mga vendors.
Ito ‘yun tinatawag na “no cost” sa city, dahil daw sa bangkarote ang Maynila kaya pinakargo sa pribado ang pagpapagawa ng mga tent fence.
No cost sa city, pero ang cost sa mga vendors!
***
PARANG kasabihang hampas sa kalabaw, sa kabayo ang latay ang estilong ito na nais ni Borromeo na ipataw sa mga kawawang vendors.
Naalala tuloy nila ag pangako noong kampanya, na malaya daw makakapaglatag ng paninda ang mga vendors ng walang gagambala sa kanila o maniningil ng tong.
Susme, pinangakuan na nga kayo, gusto n’yo pa tuparin! Ehek!
***
ANO kaya ang magagawa dito ng apat na Barangay Chairmen na nakakasakop sa Blumentritt, lalo na ninaChairman Peter Bautista ng Brgy 365 Zone 37 atChairman Melvin Manalo ng Brgy 363 Zne 37?
Hindi kaya, itakwil kayo ng mga vendors na napakinabangan naman ninyo ng mahabang panahon tuwing barangay election.
Aba, kilos-kilos din kapag may time!
LABAN-BAWI NG CITY COUNCIL SA TORRE DE MANILA
MAGANDA ang ginawang pagsisiyasat ni Senadora Pia Cayetano sa kontrobersyal na Torre de Manila na makakasira sa panoramic sightline o anggulo sa likod ng monumento ni Gat Jose Rizal sa Luneta park.
Bakit nga ba naging laban-bawi ang Manila City Council sa usaping ito. Mistulang “engot” ang mga opisyal ng city hall na dumalo sa pagdinig ng Senate Committee on Education, Arts and Culture nang gisahin sila ng Senadora.
Good job Sen. Pia!
***
LALONG sumingkit ang mata ni Councilor Joel Chua sa kahihiyan habang tinatanong ni Sen. Pia samantalang nangulumot naman ang pagmumukha ni dating Councilor at ngayon City Planning and Development chief Dennis Lacuna sa pagsagot sa tanong ng mga senador.
Si Coun. Chua ang chairman ng Oversight Committee ng City Council na gigil na gigil noon sa pagpapahinto ng konstruskyon ng 46-storey condominium, habang ang batang Lacuna naman ang nagrekomenda na ipahinto ito dahil sa maraming biyolasyon.
Makaraan ay binawi rin sa magkanong dahilan?!
***
DITO makikita na talagang wala kang maasahang proteksyon sa mga animal na diputado ng konseho ng Maynila, basta umiral ang kanilang pagkagahaman sa kuwarta.
Balita nga natin, bumaha umano ng P10M kaya napayagan muli matuloy ang konstruksyon ng DMCI Homes.
Naku, sino kaya ang nabigyan at sino ang nabukulan?!
Para sa anumang komento, mag-email sa [email protected] o mag-text sa # 0932-321-4355. Ang Joy to the World ay lumalabas tuwing Lunes, Martes at Huwebes
Chairwoman Ligaya V. Santos