SUMAKAY ng MRT kahapon ng umaga si Sen. Grace Poe upang maranasan ang aktwal na sitwasyon ng mga pasahero sa tren mula North Avenue station hanggang sa Taft station sa lungsod ng Pasay.
Ito ay sa harap ng napipintong imbestigasyon na isasagawa ng Senate committee on public services na pinamumunuan ni Poe sa Setyembre 1 kaugnay ng kasalukuyang kalagayan ng MRT.
Magugunitang nitong nakalipas na linggo ay sunod-sunod ang aberyang nangyari sa MRT-3 kabilang na ang paglagpas ng bagon nito sa riles na ikinasugat ng halos 40 sa Pasay noong Agusto 13.
Nabatid na tatlong resolusyon na ang inihain sa Senado na nananawagan ng imbestigasyon hinggil sa madalas na aberya sa mga tren ng MRT. (NIÑO ACLAN)