TAGPAGTANGOL ANG NAGING PAPEL NI YUMI PARA KAY JIMMY JOHN LABAN SA MGA KATRABAHO
Binaterya si Jimmy John ng mga kasamahan sa trabaho ni Yumi.
“Ibig siguro ng Jimmy John na ‘yun na mag-counter reaction sa mga negative issues na ipi-nupukol sa kanya ng media at ng iba’t ibang social media,” pahiwatig kay Yumi ng lesbianang web master ng kanilang network.
“Tiyak ‘yun… Pero super-kunatski raw,e … Sabi nu’ng mga taga-kabilang network, hindi raw ‘yun marunong magpameryenda o magpa-softdrinks man lang,” sabi ni Tabachingching.
“Ano’ng big deal du’n? Ang mahalaga’y ina-accommodate at binibigyan ka niya ng oras para magkaroon ka ng materyales na maisusulat. At okey na ‘yun sa akin…” depensa niya sa mapapaklang komento ng mga kasamahan sa trabaho kontra sa iniidolo at lihim na itinatanging singer/pianist.
Mula noon ay maya’t maya nang nakikipagpalitan ng mga text messages si Yumi sa cellphone number na ipina-phone book sa kanya ng sekretarya ni Jimmy John. Pansin nga ng kanyang mga katrabaho ay “halos mapudpod na” ang mga daliri niya sa kate-text. Nabawasan na tuloy ang atensiyon niya kay Arman. Makailang ulit niyang tinanggihan o ‘di nagawang siputin ito sa kanilang tipanan. Tumabang ang kanilang samahan. At kungdi sa pagtataglay nito ng mahabang pasensiya at malawak na pang-unawa ay nauwi na sana sa pag-asim ang kanilang pagiging magnobyo at magnobya.
“Sorry, ha? Busy lang talaga, e…” aniya sa text kay Arman.
Tinawagan siya ng binata sa cellphone.
“Wala kang dapat ipag-sorry, Mahal. I love you…” anito na may pahabol pang “Muwah, tsu-tsup!”
“Ang korni mo!” aniya sa bahagyang pagkakangiti.
“May umiibig bang hindi nagiging korni?” tawa ng kanyang nobyo. “’Yung iba nga, sinasabi ng marami, e nagiging eng-eng pa raw.”
Patama ba sa kanya ang mga huling katagang sinabi ni Arman? Sabi kasi ng kanyang Mommy Fatima sa nadarama niya para kay Jimmy John: “Kahangalan ‘yan, anak…”
Nagpasundo si Yumi kay Arman sa kanilang opisina nang hapong iyon. Matindi kasi ang atake sa kanya ng migraine. Masakit na masakit ang ulo niya at hindi niya kayang magmaneho ng sasakyan. Pagdating nito roon ay nilapitan siya ni Tabachingching na pabulong na nagsabing “namamayat ang BF mo, a.” (Itutuloy)
ni Rey Atalia