PATULOY na naiipit ang 81 Filipino UN peacekeepers sa Golan Heights na kinubkob ng Syrian rebels sa kanilang kampo.
Ayon sa ulat ni Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, inokupahan ng mga rebelde ang posisyon ng 43 Fijian soldiers na mula sa United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF), sa northern portion ng Golan Heights.
Pagkaraan ay tinungo rin ng mga rebelde ang pwesto ng mga sundalong Filipino at hiningi ang hawak nilang armas.
Ngunit tumanggi ang Filipino peacekeepers sa hiling ng mga rebelde kaya nagkakaroon ng standoff at negosasyon.
Kinompirma ni Col. Zagala, kabilang sa mga armas na hawak ng mga Filipino ay M4 rifles.
Nilinaw rin nilang hindi hostage ng mga rebelde ang mga kababayan.
Sa ngayon, mahigpit ang koordinasyon ng AFP at UN at umaasang maresolba sa maayos na paraan ang nagaganap na standoff.
Umaabot sa mahigit 300 ang mga sundalong Filipino na nasa ilalim ng UN.
Tumanggi ang AFP na pangalanan ang mga opisyal ng sundalo para sa kanilang seguridad.
HATAW News Team
Apela ng DFA sa UN
SEGURIDAD NG PINOY PEACEKEEPERS TIYAKIN
IPINAABOT ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa United Nations (UN) ang pagkabahala sa sitwasyon ng Filipino peacekeepers sa Golan Heights na nasasangkot sa standoff.
Nanawagan ang DFA sa UN na tiyakin ang seguridad at kaligtasan ng 43 Fijian UN peackeepers na ini-hostage ng mga Syrian rebels.
Bukod dito, umaabot din sa 81 Filipino soldiers ang nahaharap sa standoff makaraan palibutan ang kanilang kampo ng mga rebelde.
Hinihiling ng mga rebelde ang pag-turn over ng kanilang mga armas.
Panawagan sa publiko
PINOY PEACEKEEPERS SA GOLAN HEIGHTS IPAGDASAL
UMAPELA ang Palasyo sa publiko na ipagdasal ang kaligtasan ng Filipino peacekeepers na naiipit sa tensiyon sa Golan Heights.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, nakatutok ang Malacañang at nag-aabang ng update sa Armed Forces of the Philippines (AFP) hinggil sa standoff sa Golan Heights na kinasasangkutan ng Filipino peacekeepers at Syrian rebels mula pa nitong Huwebes.
Una nang tiniyak ng United Nations na gagawin nila ang lahat upang masiguro ang kaligtasan ng 43 Fijian hostages at ang Filipino peacekeepers na naiipit sa tensiyon.
(ROSE NOVENARIO)