MAGKAIBIGAN ang car racing champion na si Enzo Pastor at ang itinuturong nagpapatay sa kanya na si Domingo “Sandy” De Guzman III, na kapwa niya car racer.
Ito ang kinompirma ni Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) Chief Rodel Marcelo.
Ito rin aniya marahil ang dahilan kung bakit nagkakilala sina De Guzman at misis ni Enzo na si Dahlia.
Kaugnay ng love triangle o affair nina De Guzman at Dahlia, sinabi ni Marcelo: “Sa information namin, alam na ni Enzo noong nabubuhay pa.”
Matatandaan, bukod kay De Guzman, kinasuhan din sa pagkamatay ni Enzo si Dahlia at ang umaming gunman na si PO2 Edgar Angel.
Ayon kay Marcelo, alam ni Dahlia ang planong pagpatay sa kanyang mister batay sa extra-judicial confession ni Angel.
“Nagkaroon ng isang pagkakataon na no’ng nag-usap si Sandy at si Egay (Angel) sa loob ng sasakyan ay kasama itong si Dahlia at nagkaroon ng pagkakataon din si Egay na makaharap itong si Dahlia habang pinag-uusapan ‘yung plano ng pagpatay.”
Ang itinuturong motibo ang sinasabing pananakit ni Enzo kay Dahlia.
“Kasama sa salaysay ni Egay na allegedly may ipinakitang retrato sa kanya si Sandy na retrato ni Dahlia na may mga pasa sa katawan at diumano binubugbog nitong asawa niya na si Enzo.”
Bagama’t nahuli na, patuloy na itinatanggi ni De Guzman na may kinalaman siya sa krimen, maging ang relasyon kay Dahlia. Natimbog si De Guzman habang iniaabot ang P50,000 bonus kay Angel.
Si Dahlia, hindi pa rin lumulutang bagama’t kinasuhan na at person of interest na rin ng Bureau of Immigration.
LOOKOUT BULLETIN INILABAS NA
ILALABAS na ang lookout bulletin order laban sa biyuda ng pinaslang na si racing champ Enzo Pastor, pahayag ni Justice Secretary Leila de Lima kahapon.
Ayon kay De Lima, hinihintay na lamang niya ang formal request mula sa National Bureau of Investigation upang isailalim si Dahlia Pastor sa lookout bulletin ng Bureau of Immigration.
“As of now, she’s a person of interest. Hinihintay ko lang ang official request. Ready ako anytime to release the immigration LBO against the wife and even against the other two respondents, the alleged mastermind and the gunman,” ayon kay De Lima.
Ngunit idiniin niyang bagama’t wala pang LBOs, nakaalerto na ang BI sa posibleng pagtangkang paglabas ng bansa ng mga suspek.
Sinabi ng justice chief, bagama’t hindi mapipigilan ng LBOs sa paglabas ng bansa sina Domingo de Guzman at Dahlia, ano mang pagtatangkang pagtakas ay magagamit ng korte laban sa kanila.
“We can’t issue a warrant of arrest yet. Hihintayin muna namin ang resulta ng inquest. Pero pwede kaming mag-come up with sufficient legal basis kahit wala pang warrant of arrest,” aniya.
“Kung aalis siya, it’s an indication of flight, an indication na ini-evade niya iyong kaso. Pwede natin ipasok sa obstruction of justice iyon,” dagdag ng kalihim.