TODAS sa 17 tama ng punglo ng kalibre. 45 baril ang isang backhoe operator nang tambangan ng tatlo sa apat na ‘di nakilalang suspek na sakay ng isang pick-up sa Valenzuela City.
Dead-on-the-spot sanhi ng mga tama ng punglo sa katawan ang biktimang si Richard Padilla, 39, may-asawa, backhoe operator, ng Sitio San Isidro, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Sa ulat ni SPO3 Ronald Bautista, may hawak ng kaso, dakong 7:00 p.m. habang bumibili ng sigarilyo sa kahabaan ng Mindanao Avenue Extension, Brgy. Ugong, binaril ang biktima.
Pahayag ng mga kasamahan ng biktima na sina Julio Casino at Nestor Abello, katatapos lamang nilang kumain ng hapunan sa Mangantana Eatery sa nasabing lugar, nang mangyari ang pamamaril.
Tumakas ang mga suspek sakay ng puting pick-up na hindi nakuha ang plaka patungo sa Brgy. Kaybiga Caloocan City.
Inaalam ng pulisya ang pagkakilanlan sa mga suspek habang isinasailalim imbestigasyon ang 17 basyo ng kalibre .45.
(ROMMEL SALES)