ni Ed de Leon
SIGURADO iyan, taas noo lalo ngayon si Kuya Germs (German Moreno). Una, maganda ang ratings ng kanyang sinalihang teleserye. Ikalawa, maganda ang feed mula sa abroad niyong show niya mismo, na kailangan nilang i-replay ng tatlong ulit sa isang linggo dahil sa kahilingan ng mga Filipino sa abroad.
Pero siguro nga ang talagang dapat na mas ipagmalaki ni Kuya Germs ngayon ay nanalo ng isang Olympic gold medal ang kanyang apong si Luis Gabriel Moreno sa ginaganap na Youth Olympic Games sa Nanjing, China. Nanalo si Gab sa archery noong Linggo, Agosto 24, para maiuwi sa Pilipinas ang kauna-unahang gold medal na napanalunan ng Pilipinas sa Youth Olympic Games. Doon sa naunang Youth Olympic Games na ginanap sa Singapore noong 2010, nganga nang umuwi ang Pilipinas.
Pero inamin ni Gab na hindi niya inaasahang mananalo siya ng gold, dahil talagang mahigpit ang kompetisyon, at muntik pa nga siyang matalo by default dahil sumama siyang mag-lunch kasama ang kanilang pamilya, na-delay sila at akala niya hindi na siya aabot sa games.
Dumating sila sa venue just in time. Hindi na nga nakapag-warm up si Gab, tuloy na siya sa kompetisyon. Dahil daw sa talagang alam niyang kulang siya sa warm up, talagang ginalingan na lang daw niya at ang resulta nga, nanalo siya ng gold.
Maging iyong mga opisyal ng delegation ng Pilipinas hindi siguro umaasa ng panalo. Noon nga raw mismong umagang iyon, umuwi na sa Pilipinas si POC President Peping Cojuangco, na tiyak hindi uuwi kung umaasa siyang mananalo pa ng kahit na anong medalya. Pero hindi mo masabi talaga ang suwerte eh. Iisipin mo bang kung kailan sila umalis at saka nanalo ng gold si Gab.
Si Gabby ay anak nina Federico Moreno at Shiela Magdayao. Ibig sabihin apo siya ni Kuya Germs at pamangkin naman ni Vina Morales.