HUMARAP ulit sa movie press ang dating aktres na si Cristina Gonzales, na ngayon ay konsehal na sa Tacoloban, Leyte, kasama ang kanyang asawang si Mayor Alfred Romualdez, una para magpasalamat sa lahat ng tumulong sa kanila noong panahon ng kagipitan sa Tacloban pagkatapos silang bayuhin ng bagyong Yolanda.
Sinabi ni Mayor na sa ngayon daw ay masasabing nakakabangon na ang Tacloban. Nakabukas na ang lahat ng mga banko. Nagbukas na rin ang mga supermarket. May isa pang malaking supermarket chain na magbubukas, at magbubukas na rin daw ng bottling company ng isang softdrink sa kanilang lunsod. Ibig sabihin magkakaroon na ng trabaho ang mga taga-Tacloban. Matagal din kasing walang trabaho dahil nawasak nga ang mga negosyo.
Nagpasalamat din si Mayor sa mga nagpadala ng tulong ng diretso sa mga biktima o nakipagtulungan sa local government, kasi iyon daw ang assistance na mabilis dumating at tiyak makararating sa biktima.
Matatandaang ganoon ang ginawa ng GMA na nag-assist sa kanila pati sa housing. Dumiretso rin ang Kapatid Network.
Ganoon din ang ginawa ng Hataw, na mismong mga delivery vans pa ng diyaryo ang ginamit para mabilis na maparating agad ang mga relief good na nakalap mula sa mga kaibigan at sa personal na bulsa ng aming boss na si Jerry Yap. Nadagdagan pa iyon nang gumawa siya ng isang fund raising para sa mga biktima ng Yolanda, na ang kinita naman ay diretsong ibinigay niya sa Philippine Red Cross, dahil doon nga naman siguradong makararating at hindi makukupitan.
Sabi nga ni Mayor, siguro raw may mga taong hindi matutuwa sa diretsahang pagtulong sa mga biktima, pero iyon ang pinakamabilis, at pinakasiguradong paraan para matulungan ang mga biktima na hanggang ngayon daw, mayroon pa ring nakatira sa mga tent.
Sabi nga ni Mayor, wala siyang nakikitang illegal kung may mga tao man o ahensiya na diretsong magparating ng tulong sa mga biktima, sa pamamagitan ng local government o kung diretsahan man nilang ibibigay iyon sa mga biktima.
Naghahanda na rin sila para sa pagdating doon ng Santo Papa sa Enero. Si Pope Francis ang kauna-unahang santo papa na magtutungo sa Tacloban.