ni Ed de Leon
NOONG nagsimula iyang reality show ng TV 5 na Talentadong Pinoy, ipinagmamalaki ng network na ito ang kanilang top rater. Talagang pinag-uusapan naman iyon at maraming nagsimulang mga talent sa nasabing show na nakakuha ng trabaho dahil sa magandang exposure ng show. Natatandaan namin, noong magkaroon sila ng finals minsan na ginanap pa sa Ynares Sports Complex sa Antipolo, ipinagmamalaki nila sa audience roon na ang ratings nila ay umabot sa 40 percent. Hindi naman namin pinaniniwalaan ang ganoong propaganda dahil kung ganoon nga kataas ang kanilang ratings, ibig sabihin niyon ay wala nang nanonood sa mga kasabay na shows.
Sabihin mo mang totoo iyon o hindi, maliwanag na noon ay iyan ang kanilang naging top rater. Kasabay niyan ay top rater din nila iyong Face to Face ni Amy Perez. Natatandaan namin noon, paglabas namin ng bahay ng mga 11:00 a.m., naririnig namin ang mga TV ng mga kapitbahay na nadadaanan na ang pinanonood ay ang Face to Face ni Tiyang Amy.
Nagkamali na sila roon sa Face to Face. Nanganak lang si Tiyang Amy, nang magbalik siya ay medyo naiba na ang format, marami na ring nadagdag na hosts. Iniba-iba nila ang oras. Bumagsak ang show, tapos umalis na rin sa kanila si Tiyang Amy at nagbalik sa ABS-CBN.
Ngayon, binago na naman nila ang Talentadong Pinoy. Masyadong identified ang show na iyan sa original host na si Ryan Agoncillo. Kaya palagay naming, malaking sugal na naman ang ginawa nila nang ang gawing host niyan ngayon ay sina Robin Padilla atMariel Rodriguez.
Si Robin ay isang action star. Gusto siya ng mga tao sa mga pelikulang action. Doon siya nag-click eh. Bakit mo siya ngayon gagawing host ng isang talent show?
Paano kung hindi rin iyan mag-rate kagaya ng ratings noong panahon ni Ryan? Si Robin ba ang sisisihin ninyo?