EXPECTED na natin ito.
Na mananatiling mataas ang tiwala ng mamamayan sa Korte Suprema pagkatapos na lusawin nito ang kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP) ni Pangulong Noynoy Aquino at ideklara ring hindi dapat magkaroon ng pork barrel ang mga mambabatas – kongresista at senador.
Sa latest survey ng Pulse Asia na isinagawa mula Hunyo 24 – Hulyo 2, ang Korte Suprema ay nakakuha ng 49% national approval ratings at 42% trust ratings.
Bravo, Chief Justice Maria Lourdes Sereno at sa iyong Associate Justices.
Pero mga Justice, puede ba resolbahin nyo narin ang disqualification case na nakasampa laban kay Erap. Aba’y ito nalang yata ang natitirang kaso related sa 2013 election na hindi pa nasusolusyunan? Tuloy ang gulu-gulo ng pamamalakad sa Maynila. Dahil hindi maitalaga ng regular ang mga department head. Kasi nga baka disqualified si Erap. Maging ang mga kontratista ay nag-aalangang makipagtransaksiyon sa city government at baka masayang lamang ang effort nila pag biglang nawala si Erap. Kaya sana, mailabas na ang desisyon sa kasong ito, mga Justice…
Balikan natin ang trust rating ng kongreso.
Kung umani ng malaking pagtitiwala sa taongbayan ang Kataastaasang Hukuman, bagsak naman ang ratings ng Kongreso.
Ang Senado ay lagpak sa 33% ang performance habang nasa 31% lang ang trust ratings nito.
Ang Kamara (mga kongresista) naman ay nakakuha lamang ng 34% performance ratings at 29% trust ratings.
Buhay pa kayo!
Kahit ako, katiting nalang ang tiwala ko sa ating mga mambabatas. Feeling ko nga, kaya kumandidato ang mga ito ay hindi para magserbisyo sa bayan kundi dahil sa pork barrel, ang magpayaman at ang manamantala!
Sigurado ako na bababa pa ang trust ratings ng Kongreso hangga’t patuloy nilang tinatamasa ang iba’t ibang klase ng “pork barrel”. Baka nga dumating pa sa punto na buwagin nalang ang institusyong ito. Baka mangyaring bumalik pa tayo sa Parliamentary govt. tulad ng kay Marcos noon. Hindi ito posible kapag taong bayan na ang kumilos. Pramiz!
Saklaan sa Brgy. 81 Zone 7,
sakop ng MPD-PS1
– Grabe na po ang sakla dito sa Brgy. 81 Zone 7. Maski malakas ang ulan tuloy padin mula umaga hanggang gabi, walang tigil po. Sa kanto ito ng Panday Pera at Yangco st. May tara ata sa barangay, kasi andun palagi si Kagawad Totong Balatayo at Ricky pati sa presinto, kasi dinadaanan lang nila para umorbit. Pati mga bata tumataya. Si Chairman Alvin natutulog sa pansitan. – Concerned citizen
Walang iligal na tatayo sa barangay kung hindi papayagan ng barangay officials. Sa madali’t salita, kaya araw-gabi kahit umuulan walang tigil ang sakla dyan ay dahil may “timbre” yan sa barangay. At sigurado meron ding lagay sa presinto uno laluna sa City Hall.
Oo nga pala, napapansin ko na sobrang talamak ang mga iligal na sugal ngayon sa erya ng MPD-PS1. Sino ba ang hepe ngayon sa istasyong ito? Tsk tsk tsk…
Puno ng vendors ang tulay
sa Commonwealth Market
– Mr. Venancio, paki-silip naman po kung allowed po ba yung vendors sa tulay ng Commonwealth Market? Ang dami po, sobrang siksikan, ang hirap dumaan lalo na pag uwian, di malayong madukutan ka. Sa pagkakaalam ko po ginawa ang overpass para sa tao ‘di para sa vendors. Hindi lang dyan sa Commonwealth Market, marami pang iba. Hindi naman hinuhuli ng mga pulis. Concern citizen po ako. Don’t publish my number. Salamat po.
Kung hindi yan mapaalis ng mga pulis na nakasasakop sa lugar dahil may lagay sa kanila, ang MMDA ay may higit na kapangyarihan para walisin ang vendors laluna sa overpass. Paging MMDA Chairman Francis Tolentino, aksyon pls!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio