Sunday , November 3 2024

‘Wag nang maging makasarili kontra killer tandems!

00 aksyon Almar

NAKAAALARMA na talaga ang patayan sa Metro Manila lalo na ang estilong pagpatay ng mga itinuturing na “smalltime criminals” ng Philippine National Police (PNP) – ang riding in tandem.

Minamaliit ng PNP ang nasabing mga kriminal dahil hindi naman daw syndicated criminals ang karamihan kundi kanya-kanyang lakad o trip lang ang lakad.

Pero ang minamaliit o small time criminals ang nagbibigay ng sakit ng ulo ngayon sa PNP. Ang masaklap pa nga ay hindi lamang sa Metro Manila kumikilos ang tandem kundi kahit saan sulok na ng bansa.

Dahil sa hirap ang PNP sa pagsugpo sa kabila ng ginagawa naman daw nila ang lahat – ayon kay PNP chief, Gen. Alan Purisima, hayun nakahihiya na sa ibang bansa ang PNP natin ngayon.

Yes, nakahihiya ang PNP sa kamay ni Purisima dahil ang minamaliit na kriminal ay nakapag-alarma na rin sa mga dayuhan lalo na sa mga negosyante.

Kamakailan, negatibong komento na ang nakuha ng gobyernong Pinas mula sa labas. Naglabas ng babala na mag-ingat sa Pilipinas dahil araw-araw tumitira ang killer tandems.

Dalawa ang masasabing grupo ng tandems, mayroon iyong holdap ang lakad at pinapatay ang kanilang mga biktima at mayroon naman iyong tandem na talagang pinapatakbo ng sindikato lalo na ang mga gun for hire.

Pero karamihan sa kaso ng tandem ay holdap at patay.

Ano pa man, ginagawa ng gobyerno ang lahat para masugpo ang pagdami ng killer tandems.

Ang ilang local government units (LGUs) ay may kanya-kanyang bersyon o kampanya para masugpo ang killer tandems. Ginagawa nila ito para tulungan ang PNP para sa mamamayan pero sa kabila ng lahat ay wala pa rin takot na maghasik o umatake ang killer tandems.

Araw-araw pa rin silang umaatake at walang sinisino, mapababae o mapalalaki ang kanilang hinoholdap at pinapatay.

Ang PNP naman, hindi daw sila nagkulang sa kampanya laban sa killer tandems – itinutumba na nga nila ang mga tandem este, napapatay nila matapos manlaban pero walang takot pa rin ang mga kriminal.

Yes, kung may naitutumba ang PNP sa araw-araw. Araw-araw din may isinisilang na killer tandems. Ewan ko nga kung paano dumarami ang killer tandems samantala mga lalaki naman sila – oo hindi naman sila nagbubuntis pero nanganganak ang mga walanghiya.

Sa ngayon, maraming unsolved cases na killer tandems related – hirap ang PNP na lutasin ito at sa halip ang ginagawa na lamang ng PNP ay halos araw-araw din silang may itinutumba na killer tandems.

Sa talaan, ang Quezon City daw ang may pinakamaraming insidente ng pag-atake ng killer tandems kaya pinag-iingat ang lahat pero kahit na ganito ang ulat ay hindi pa rin naman nagkukulang ang Quezon City Police District (QCPD) sa kampanya laban sa killer tandems.

Ngunit sa lawak ng Kyusi, nakalulusot pa rin ang tandem. Ang lungsod ay may 2,000 plus na pulis sa kabila ng milyon-milyon ang residente ng lungsod kaya kung susuriin, kulang na kulang ang bilang ng pulis QC para magbantay sa lungsod.

Ngunit, dahilan ba ito para lumaganap ang tandem sa QC?

Ano pa man, bagamat marami rin naman nasasawata sa pag-atake bilang resulta ng pagbabantay ng QCPD sa lungsod, may nakalulusot pa rin.

May nakalulusot pa rin dahil ang ilan sa pulis-QC kasi na nakatalaga sa labas para magbigay ng seguridad o magbantay ay kotong blues ang lakad.

Ginagamit ang mobile sa pangongotng, ginagamit ang motrosiklo sa pangongotong, ginagamit ang baril sa pangongotong, ginagamit ang uniporme sa pangongotong kaya hayun lusot ang mga tandem.

Ngunit naniniwala tayong hindi naman nagpapabaya ang maraming QC police lalo na ang District Director ng QCPD na si Chief Supt. Ricahrd A. Albano. Parati niyang pinaiigting ang kampanya laban sa tandem at nagbubunga naman, lamang talagang mayroon mga sutil na pulis na walang pakialam sa kampanya at sa halip ay bulsa lamang nila ang kanilang iniintindi.

Heto nga, nitong nakaraang Biyernes ay dalawang killer tandems ang napatay matapos makipagbarilan sa mga pulis-Kyusi sa Barangay Sauyo makaraan nilang holdapin ang isang grocery. Bunga ito ng kampanya laban sa killer tandems. Buti naman kung ganoon.

Kaya sana’y maging ganap ang ordinansa sa QC ang “plate vest” para sa mga gumagamit ng motorsiklo sa araw-araw. Naniniwala tayong ang plate vest ay may malaking maitutulong sa giyera laban sa killer tandems.

Ang ipinagtataka natin ay bakit tinututulan ito ng ilang grupo ng bikers samantala wala naman tayong nakikitang negatibong epekto nito sa kanila.

Bilang sibilyan, gawin din natin ang bahagi natin sa lipunan, makiisa tayo sa kampanya. Hindi lamang ito para sa atin kundi para sa kinabukasan ng mga anak natin, magiging apo, at mga magiging anak ng anak natin at magiging apo nila.

Mga kabayan, ang ginagawa ng QC LGU – ang plate vest ay para sa lahat at hindi para sa sarili na tulad ng nais ng bikers. Kaya huwag nang maging vmakasarili.

***

Para sa inyong suhestiyon, komento at reklamo o panig, magtext sa 09194212599.

Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

David Charlton Davids Salon

David Charlton pumanaw na

PUSH NA’YANni Ambet Nabus NAKIKIRAMAY din kami sa pagyao ni sir David Charlton, founder at CEO …

Kim Chiu

Kim Chiu bagong calendar girl ng Tanduay

PUSH NA’YANni Ambet Nabus MUKHANG si Kim Chiu nga ang sinasabing bagong calendar girl ng Tanduay Rhum …

John Wayne Sace Vilma Santos

Vilmanians nalungkot sa krimeng kinasangkutan ni John Wayne Sace

PUSH NA’YANni Ambet Nabus NALULUNGKOT ang mga kapwa Vilmanian na nagkuwento sa amin hinggil sa kinakaharap na …

PAGASA Bagyo Leon

Signal No. 5 itinaas sa Batanes daluyong pinangangambahan

ITINAAS ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 5 sa hilaga at silangang bahagi ng lalawigan …

arrest, posas, fingerprints

Pumugot sa sekyu sa QC timbog

NADAKIP ng Quezon City Police District (QCPD) ang driver na pumugot sa security guard ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *