Tuesday , November 5 2024

PNoy may respeto sa Korte Suprema

INAAKUSAHAN si Pangulong Benigno Aquino III ng kanyang mga kalaban sa politika at ng mga nagsipaghain ng impeachment na sinusuwag o ‘di raw kinikilala ang Korte Suprema at nagpapasaklolo sa Kongreso upang maidepensa ang Disbursement Acceleration Program (DAP).

Kesyo ang epekto raw ay maaaring humantong sa constitutional crisis dahil nagsasapawan ang tatlong co-equal branch ng pamahalaan – ehekutibo, hudikatura at lehislatura.

Hindi ba ang paghahain ng Motion for Reconsideration (MR) ng Palasyo upang iapela ang hindi pa naman pinal na desisyon ng Supreme Court sa unconstitutionality ng ilang probisyon sa DAP ay maliwanag na ebidensiyang kinikilala ni PNoy ang kapangyarihan ng Kataas-taasang Hukuman?

Ibig sabihin, kung hindi inirerespeto ni PNoy ang SC ay nanindigan na lang sana siya sa sarili niyang paniwala, imbes maghain ng MR.

MAY mga adelentadong pinangungunahan pa ang SC sa pagdedesisyon at nagsabing mahirap na anilang baguhin ng mga mahistrado ang kanilang boto na 13-0 kontra DAP.

Dahil diyan, sabi ng mga nagmamarunong na hindi naman talaga marurunong, hindi na raw dapat naghain si PNoy ng MR.

Aba, kailan pa naging labag sa Saligang Batas na gamitin ang karapatan ng sinoman na makapaghain ng MR?

Sa totoo lang, hindi ba’t ang mga kumokontra kay PNoy para iapela ang unang desisyon sa DAP sa paghahain ng MR ang gustong sumira sa Rule of Law, gayong ito ay prosesong naaayon sa batas?

Tanging ang mga mahistrado lang ng SC ang makapagsasabi kung mababago ang kanilang desisyon sa DAP o hindi, base sa MR na inihain ng Palasyo.

Ano pa nga ba ang aasahan sa mga mula’t sapol ay pawang mga kontra na noon pa man kay PNoy, bago pa man siya maluklok na pangulo ng bansa.

Maliwanag na imbento lang nila ang constitutional crisis at ang walang basehang impeachment laban kay PNoy para magamit nilang kakampi ang SC sa kanilang maiitim na hangaring ibagsak ang kasalukuyang administrasyon.

Tama ba ang balita, ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada?

“EXPRESS LANE” SA SC

BAGO kuyugin ng mga nagmamagaling na kritiko si PNoy, nais muna nating ipaalala sa kanila ang isang kaso na nagdesisyon ang Korte Suprema para paboran ang anak ng isang mahistrado kahit ito’y dapat nasa hurisdiksyon na ng Kongreso.

Naglabas ng pinal na desisyon ang Supreme Court sa loob lamang ng limang buwan na kumatig sa naunang pasya ng Comelec na disqualified candidate si Marinduque Rep. Regina Reyes sa 2013 elections dahil siya’y US citizen at ang katunggali niyang si Lord Allan Velasco ang dapat maluklok na mambabatas ng probinsya.

Ngunit mismong si Associate Justice Arturo Brion, sa kanyang dissenting opinion, ay pinuna ang “undue haste to benefit one of us.” Si Lord Allan ay anak ni Senior Associate Justice Presbiterio Velasco.

Pumalag ang Kongreso at sa resolusyon na nilagdaan ng 161 kongresista ay nakasaad na ang kinikilalang may hurisdiksyon sa kaso at may karapatang magpababa sa puwesto kay Reyes ay ang House of Representatives Electoral tribunal (HRET), hindi ang SC.

Ang HRET, tulad ng SC, ay isang constitutional body, pero wala ni isa man sa maiingay na politiko at “legal expert” ang pumalag sa pananaklaw ng SC sa kapangyarihan ng Kongreso sa kaso ni Reyes.

Kahit ang SC ay nanahimik na rin at hindi na pinuwersa ang Kongreso na kilalanin ang kanilang desisyon na iluklok si Lord Allan kapalit ni Reyes.

Kung naniniwala kasi ang Korte Suprema na wasto ang kanilang pagpabor kay Lord Allan, bakit hindi na-contempt si House Speaker Feliciano Belmonte sa pagsuway sa kanilang desisyon?

Posible rin na napaso ang SC sa kanilang diskarte dahil maaaring masilip ang espesyal na atensyon na ibinigay nila sa kaso ni Reyes habang ang ibang election-related cases ay pinatutulog nila nang mahabang panahon sa kanilang bakuran.

IPOKRITO SI BINAY

SUWABE kung banatan ni Vice President Jejomar Binay ang Palasyo sa isyu ng DAP, at ikinakatuwiran pa ang Konstitusyon , pero ang paglabag ng kanyang katoto na si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap”Estrada sa mga batas sa pagtakbo niya bilang alkalde ng Maynila, ay balewala sa kanya.

Kung talagang sinsero si Binay sa pagsusulong ng “rule of law,” bilang abogado, dapat ay alam niya na si Erap ay habambuhay nang diskuwalipikadong kumandidato at humawak ng ano mang posisyon sa gobyerno dahil sa pagiging sentensyadong mandarambong.

Pero hindi siya kumikibo dahil kaya siya nanalong bise-presidente ay bunsod nang pagkonsinti niya na tumakbo ulit si Erap noong 2010 presidential elections.

Kung totoo ang panawagan ni Binay na igalang ang Konstitusyon sa isyu ng DAP, bakit pangunahin siya sa paglabag sa probisyon nito na nagbabawal sa pamamayagpag ng political dynasty?

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Vilma Santos

Vilma ‘di pa kampanya pero naiikot na buong probinsiya sa relief operations

HATAWANni Ed de Leon HINDI naman disappointed ang mga Vilmanian kung hindi man sila nakipag-birthday party kasama …

Pasig City

Pasig City gov’t political officer bistadong lider ng ‘troll campaign’

PASIG City – Isang Universal Serial Bus  (USB) ang nagbisto sa sinabing ‘troll campaign’ operations …

Atasha Muhlach PMPC Star Awards for Music

Atasha nakasungkit 2 award sa PMPC 16th Star Awards for Music 

MATABILni John Fontanilla WAGING-WAGI ang magandang anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzalesna si Atasha Muhlach sa katatapos na 16th Star …

Kris Lawrence PMPC Star Awards for Music

Kris Lawrence  pinasalamatan mga taong sumuporta sa 18 taon ng career

MATABILni John Fontanilla NAGBALIK-TANAW at pinasalamatan ng R&B Prince of Pop Kris Lawrence ang mga taong naging …

Tim Yap Carlos Yulo Chloe San Jose Donnie Pangilinan Hannah Pangilinan Pamela Rose

Tim Yap patok ang pa-Halloween party sa mga artista

I-FLEXni Jun Nardo ALL Saint’s Day ngayon araw. Nobyembre 1. Kaya naman naglabasan na naman …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *