GIBAAN blues na!
Habang isinusulat ang pitak na ito, hindi pa man nagtatalumpati si Pangulong Aquino, malalaman na ang ilan sa nilalaman ng kanyang talumpati para sa State of the Nation Address (SoNA) ay paggiba sa kalaban nila sa politika.
Pero ano pa man, kaliwa’t kanan man ang gibaan ng mga magkakatunggali sa politika, masasabing nakatutuwa ito dahil nalalaman ng publiko ang baho o mga itinatago ng bawat lider kuno ng bansa.
Kung wala kasi ang gibaan o bulgaran ng baho ng bawat pinaupo natin sa mga ginintuang inidoro na pinagkakakitaan ng maraming politician at cabinet member.
Sa inidoro natin ikinompara ang kanilang ‘upuan’ o posisyon dahil kahit sabihing malinis ang isang inidoro, ito’y itinuturing na marumi at mabaho pa rin…at higit pa sa lahat ay nakadidiri.
Kaya marahil batid na ninyo kung bakit maraming nakakalkal na baho ng bawat nakaupo sa anomang posisyon sa gobyerno.
Gibaan na!
Malapit na raw kasi ang presidential elections. Sa 2016 pa nga ito pero ibang klase talaga ang eleksyon sa bansa. Feel na feel na ang kampanya sa pamamagitan nga nitong batuhan o kalkalan ng baho.
Heto nag-umpisa sa PDAF … kesyo katuwiran ng mga nadawit…politically motivated daw ang lahat.
Ibig sabihin, hindi raw totoo ang akusasyon sa kanila sa kabila naman ng sinasabing may mga ebidensiya laban sa tatlong nakakulong na Senador. Nakita ng Ombudsman at Sandiganbayan na sapat ang ebidensiya laban sa mga akusado.
Ano pa man pagtatanggol ng tatlo laban sa kanila na bukod sa walang katotohanan ang lahat ay tinitira lang sila ng gobyernong Aquino…uli ang dahilan daw ang 2016 election.
Tulad ng naunang nabanggit, politically motivated man ang lahat, masa pa rin ang nakikinabang dahil nalalaman ng botante ang tunay na nangyayari sa larangan ng politika …at higit sa lahat kung saan napupunta ang pera ng bayan.
Lamang, masasabing tila kakaiba lang kasi ang nangyayari dahil maging ang pangulo ay direktang nakikialam lalo nang ibuko ng Supreme Court na ilegal ang ginawa niya—ang pakialaman ang savings ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Savings na ginawang DAP pero katuwiran ng palasyo hindi raw ito ilegal lalo na’t nagamit sa tama na nakatulong sa ekonomiya ng bansa.
Tulad uli ng nabanggit, ang kagandahan nitong naisawalat ay publiko na makikinabang — ibig kong sabihin ay batid natin ang mga nangyayari sa loob ng gobyerno lalo na ang mga nakatagong galaw nila.
Gibaan na raw
talaga ngayon!
Inamin na ni Vice President Jejomar Binay na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2016. Matunog na makakalaban ni Binay ang manok ni PNOy na si Interior Sec. Mar Roxas.
Oo si Roxas na ginagawa ang lahat ngayon para mapansin ng publiko. Ha…ha…ha…tulad ng pagbubuhat ng isang kaban ng bigas. Hindi lang pala Boy pick-up si Roxas kundi Boy Sako o Boy Buhat din pala. Hay, ano’ng klaseng mentalidad iyan Mr. Roxas.
Nang ihayag ni Binay ang kanyang plano para sa 2016 bukod sa tumaas pa ang kanyang rating habang si PNoy naman ay bumagsak.
Hayun, biglang may lumutang mula sa singaw. Kinasuhan ng plunder si Binay. Ba’t ngayon lang?
Ang kaso may kinalaman sa pinatayong parking building sa City Hall ng Makati. Kinasuhan din si dayunyor ni Binay na siyang nakaupo ngayon bilang alkalde ng Makati.
Ba’t ngayon lang mga iho…dapat noon pa n’yo kinasuhan ang dalawa. Kita n’yo tuloy, nagkakulay ang pagsasampa n’yo ng kaso.
Katuwiran naman ng mga Binay, politika ang nasa likod ng lahat.
Masasabing maaari ngang politically motivated ang lahat pero ano pa man, masasabing maganda ito (ang paglantad ng mga umakusa sa mag-amang Binay) para malaman ng publiko ang lahat. Kung saan talaga napupunta ang pera ng bayan.
Sige maglabasan pa kayo ng baho para malaman namin o ng madla kung paano n’yo winawaldas ang pera ng bayan na patuloy na naghihirap.
Saan kayo (mga leaders kuno) ng bansa kumukuha ng kapal ng mukha n’yo!?
Almar Danguilan