ni ED DE LEON
SA panahong ito na mukhang nawawala ang public support kay PNoy, sasama ba siNora Aunor sa mga anti-government protests na nangyayari ngayon? Kahit na sabihin pang ang totoo ay masama ang loob niya sa presidente matapos na ilaglag siya sa listahan ng mga national artists, at ipagdiinan pa ang naging kaso niya sa droga sa US, magmumukhang legitimate ang pagsama niya sa mga rally ngayon dahil sa mga naging unpopular decisions ng presidente lately.
Ngayon sinasabi pa nga ng mga nasa kampo ni Nora na ang unang maling desisyon ng presidente kaya nawala ang popular support sa kanya at bumaba ang kanyang approval ratings maging sa lumabas sa Pulse Asia at Social Weather Station ay dahil inilaglag nga niya si Nora. Sinasabi pa nilang imposibleng dahil sa DAP iyon, dahil noon pa ginawa ang survey. Hindi naman daw dahil sa pagtatanggol ng presidente sa DAP. Malamang bumagsak nga ang ratings niya sa survey dahil sa pagkakalaglag niya kay Nora. Talaga?
Sinasabi pa nila ngayon na iyon naman daw lumabas sa isang broad sheet at inilalabas ng isang TV network na talagang kasama sa “yellow propaganda machine” na pabor sa paglalaglag niya kay Nora simula pa noong una ay hindi naman totoo. Talaga raw naapektuhan si Pnoy dahil inilaglag niya si Nora.
Kung natatandaan ninyo, kinilala nga si Nora ng militanteng grupong Gabriela, at ngayon ng mga militante ring grupo mula sa UP. Ibig bang sabihin makikisama na si Nora sa mga magpo-protesta laban kay PNoy, sa DAP at sa kung ano-anong pang issues?
Kung sa bagay, iyong award niya mula sa Gabriela ay maliwanag. Kinilala siya ng grupo dahil sa paglabas niya sa isang pelikulang laban sa mga Kano, pero ginawa iyon noong panahon pa ni Marcos, at ang director niyon ay kapatid ni Ninoy. Eh ngayon paano na?