ni Ed de Leon
IDEDEKLARA na raw artista ng bayan si Nora Aunor sa isang seremonya ba iyon o rally na gaganapin sa UP. Iyan ay matapos na makita nilang ano mang argument ang kanilang ilabas hindi na babaguhin ng pangulo ang kanyang naunang desisyon na ilaglag si Nora bilang lehitimong national artist.Pero iyong kanilang deklarasyon sa UP, walang sinasabing benepisyo. Una, may maibibigay ba silang kaunti mang halaga kay Nora kasabay ng kanyang deklarasyon? Mabibigyan din ba siya ng buwanang pensiyon habang siya’y nabubuhay? Mabibigyan ba siya ng karangalan ng isang state funeral kung sakali? Palagay namin ay walang lahat iyan.
Isa pa, umabot ba sila ng isang milyong pirma sa kanilang petisyon? Kasi sinabi lang nila iyan sa isang press conference na ginastusan pa noon ng NCCA, pero hindi na natin nabalitaan kung ilan nga ba ang pumirma sa petisyong iyon. Umabot ba sa isang milyon? Iyon ba ay mga verified signature, ibig sabihin hindi lang basta pirma kundi naroroon ang pagkakakilanlan ng mga pumirma? Kasi kung hindi verified signatures iyon, umabot man ng dalawang milyon iyon eh wala rin. At saka sana nag-ambag-ambag naman ang mga pumirma para may maiabot man lang kay Nora.