Sunday , December 22 2024

Para may bigas, sitsirya’y inuulam… buhay masa sa PNoy gov’t

MARAMI-RAMI na at patuloy pang bumababa ang pagtitiwala sa gobyernong PNoy ngayon, hindi tulad nang dati o noong bagong upo ang Pangulong Noynoy na maraming bilib sa kanya.

Bumilib kay PNoy dahil sa mga itinanim ng kanyang ama’t ina sa masa – oo sina dating Sen. Ninoy Aquino at Pangulong Cory Aquino na isa sa pinakadahilan upang iboto at pagkatiwalaan ng marami si PNoy nang tumakbo sa pagkapangulo. ‘Ika nga, nanalo siya dahil sa dalawang karespe-respetong mag-asawa na maituturing na modern day heroes.

Pero mukhang ang pagtitiwala sa kasalukuyang gobyerno ay unti-unti nang kumukupas. Obserbasyon lang natin ito ha, mula sa mga nakakalap natin reaksyon o komento laban sa gobyerno.

Hindi komento o kritiko mula sa kaaway ng gobyernong PNoy sa politiko kundi mula sa mga ordinaryong masa na kinabibilangan natin. Ang nakita at mga narinig natin dahilan ng unti-unting hindi pagtitiwala sa gobyerno, ang walang tigil na pagtaas ng mga pangunahing bilihin.

Mga pangunahing bilihin na sa araw-araw ay nagiging pabigat sa bulsa ng masa – oo tulad ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng karne – baboy, manok at baka; kape, asukal, gatas at higit ang BIGAS.

Oo nga, may NFA na panapat sa commercial rice pero kulang naman sa suplay o ‘di kaya anang iba ay halos hindi makain pero, infairness iyong P32.00 per kilo ay medyo maganda-ganda rin. Bumibili din kasi ako nito.

Sabi nga ng mga nakakausap ko at ilan naman ay narinig lang. Mas lalong hirap sila ngayon dahil sa sobrang taas ng bilihin. Kumbaga, ang komento o kritiko ay taliwas na iniyayabang ng NEDA sa kasalukuyang gobyerno na bumaba ang bilang ng mahirap ngayon lalo na ang mga nagugutom. Ha! Ano!?

Ilan linggo na lang, SONA na naman. Ano naman kaya ang iuulat ng Pangulo sa bayan. Ang maginhawa na ang buhay ng bawat Pinoy? Ang wala nang nagugutom sa panahon niya o bumaba na ang bilang ng mga nagugutom? Ang walang nangyaring anomalya sa panahon niya na walang kinalaman ang kanyang mga kaalyado? Ang pagpapakulong sa kanilang katunggali sa politiko? Ang linisin si BDM Sec. Butch Abad sa ilegal na DAP?

Maraming puwedeng papogi na sasabihin si PNoy – siyempre, alangan naman mag-uulat siya ng negatibo kundi … laglag siya. ‘Di ba Budget Sec. Abad.

Iyon lang, hindi ang mga papogi ang kailangan ng nakararami ngayon kundi ang solusyon sa sobrang taas ng mga bilihin partikular na ang BIGAS na tila wala nang pag-asang bumaba.

Sa sobrang mahal nga ng bigas, ilan pamilya ang naobserba kong pinagkakasya na lamang nila sa loob ng isang araw ang isang kilo. Filipino size na pamilya – ibig sabihin ay hanggang 5 katao sa isang pamilya.

Bukod dito, dahil pa sa sobrang kahirapan sanhi nga ng sobrang mahal ng mga pagkain. Nakalulungkot sabihin ito pero saksi ako sa mga nangyayari – oo maging sitsirya ay ginagawa nang ulam. Kung dati-rati ay toyo o bagoong ay naging ang tigpi-pisong sitsirya ang inuulam.

Ganito ang epekto ng sinasabing ‘nakaaangat’ na ang ekonomiya ng ‘Pinas sa ilalim ni PNoy.

Baka naman ang ibig sabihin ng Palasyo ay nakaaangat ang nakararami sa kapanalig ni PNoy dahil sa DAP.

DAP? Aba’y in good faith naman daw ito at nagamit sa maayos na mga proyekto – masa raw ang nakinabang dito. Ano!?

Well, ano pa man ang palusot ng Palasyo sa ilegal na DAP, isa pa rin itong ilegal. Ang usapan kasi ay hindi puwedeng pakialaman ang savings ng isang ahensya para ilipat sa ibang proyekto. Iyon ang isyu rito at hindi ang kung ano-anong palusot ng palasyo.

Well, sana naman tandaan ni PNoy na sa sobrang hirap na mahal ng mga pangunahing bilihin, maging ang mga tigpipisong sitsirya ay inuulam na.

Sabi pa naman ni PNoy noon, walang mahirap kung walang corrupt. Tama si PNoy diyan. Pero paano iyong mga corrupt sa panahon mo? Dedepensahan na lamang ba ng Palasyo?

***

Para sa inyong suhestiyon, komento, reklamo at panig, magtext lang sa 09194212599.

Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *