HILING ng kampo ni Senador Juan Ponce Enrile, gawing private ang pagkuha ng mugshot at pag-piano ng Senador matapos itong sumuko sa Camp Crame nang lumabas ang arrest warrant sa kasong plunder laban sa kanya mula sa Sandiganbayan, kaugnay ng P10-B pork barrel fund scam nitong Biyernes ng hapon.
Ito raw kasi ang hiling ng senador.
Walang problema sa amin ito sa media. Ginagalang namin ang karapatan ng bawat indibidwal.
Katunayan, nung kunan ng mugshots sina Senador Bong Revilla at Senador Jinggoy Estrada, kapwa rin akusado ng plunder sa pork scam, ay wala namang media sa loob. Pero lumabas ang mga kuha ng mugshots at pag-finger prints sa social media. Kaya napilitan narin kaming ilabas ito dahil kung hindi ay maiiwanan kami, masasabihan kaming panes!
E, sino ba ang nag-post noon sa social media? Hindi kaya ang mga tao rin nila? Sa kagustuhan nilang makakuha ng simpatya ng mamamayan? C’mon…
Sabi ng mga eksperto sa batas, hindi dapat itago sa media ang mga ganitong impormasyon dahil gustong makita ng taong bayan ang mga kawing kawing na pangyayari sa pag-aresto o pagsuko ng isang high-profile na akusado sa napakalaking kasong ito ng pandarambong sa pondo ng bayan.
Kapag hindi nakita ng taong bayan ang mugshots at pag-finger print ni Enrile bago ipasok sa kulungan ay magdududa na naman si Juan dela Cruz na nagkaroon ng VIP treatment dito. Tama!
At bakit naman mahiya si Enrile na lumabas sa media ang kanyang mughosts e sanay narin naman siya sa ganitong bagay. Ilang beses na ba siyang nakulong? Nung inaresto siya ni ex-NBI Director Alfredo Lim (sa kasong kudeta) sa Senado at dinala sa NBI Headquarters, hindi ba nakunan din sya ng mugshots noon?
Dapat nga ipakita ni Enrile, isa ring batikang abogado, na ‘no one is above the law’. Tulad ng sabi ni Lim: “The law applies to all, otherwise none at all!”
Anyway, hindi pa naman kinulong si Enrile nang sumuko nung Biyernes. Dahil pagdating nya sa Camp Crame ay tumaas ang kanyang blood pressure kaya sa ospital siya itinuloy. Tapos kahapon ng umaga ay nagpa-checkup pa ito ng kanyang mga mata sa Asian Hospital. Biglang naglabasan ang mga sakit sa katawan ng senador. Kunsabagay, kapani-paniwala narin naman ito dahil he’s 90 years old already. Kaya nga ang hiling ng kanyang kampo ay sa bahay o hospital nalang ito ikulong. Ganun?
Subaybayan!
Para lang ba sa mahihirap
ang batas?
– Sir Joey, kung bigyan ng house arrest ang mga convict sa pork barrel, maniniwala na ako na para lang sa mga mahihirap ang batas sa Pilipinas. – 9991523…
Kaibigan, hindi pa naman convicted ang mga sangkot sa pork scam. Akusado palang sila. Maari pa silang mapalaya kapag napatunayang hindi sila nagkasala sa batas. At kapag na-convict naman sila, doon palang sila dadalhin sa National Bilibid Prison (NBP).
Bentahan ng shabu
sa palengke
ng Sampaloc (Manila)
– Sir, report ko po ang talamak na bentahan ng shabu dito sa Legarda, sa palengke po ng Sampaloc, tapat lang ng Jollibee-Bustillos. Ang suki o ang malakas nilang kostumer dito ay ang tinatawag na Loloy, Jay at Buding. Yung Jay po ay nagbibiyahe ng tricycle. May pila po yan sa LRT. Tapos yung Loloy at Buding ay dito lang makikita sa Mansanas st. Hawak raw po sila ng isang pulis na nagngangalang Cayao. Ito raw ang protektor nila. Pamanmanan nyo nalang po. Suki po ako ng inyong diario. Huwag nyo po ilabas ang numero ko. – Concerned citizen
Higpitan na ang checkpoint
sa buong bansa
– Sir Joey, ako ay palaging nagbabasa ng inyong kolum sa Police Files TONITE. Dapat hindi lang sa Maynila magdamag mag-checkpoint kundi sa buong Pinas. Dapat higpitan nila ang mga batas trapiko at batas sa checkpoint. Pati sundalo magtalaga narin sila. Kasi palala nang palala na ang mga krimen gaya nitong riding in tandem. Dito sa Mindanao dami narin nabiktima ang riding in tandem. Sana makakaasa kami, Sir (Benjamin) Magalong, Dir. ng CIDG, at iba pang tropa ng mga pulis at trapiko. Ito na ang gawin ninyo. Masaya kami pag may magdamag na checkpoint nakatalaga at mga LTO. By shifting yung gawin nila. Security guard nga may shifting. Kumilos na lahat mga iba’t ibang ahensya para sa seguridad ng lahat. – 09101763….
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio