GRABE na ang krimen na nangyayari ngayon. Masyado nang agresibo ang mga kriminal. Kahit sa loob ng bahay ay pinapasok ang target. Walang pinipiling oras…
Halos lahat ng salarin ay gumagamit ng motorskilo sa pagtakas. Riding in tandem!
Pero halos iisa ang porma ng mga “hitmen.” Kung hindi naka-ballcap ay naka-helmet at may facemask. Ito’y upang maitago ang kanilang pagkakakilanlan.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Sec. Mar Rojas, inatasan na niya ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) para maglatag ng checkpoint. Tinawag niya itong “Oplan Lambat.”
Mahigit 100 checkpoints na raw ang kanilang inilatag sa Metro Manila.
Para sa akin, maliit ang isandaang checkpoint sa dami ng kalye at laki ng Metro Manila.
Ang mungkahi natin kay Sec. Rojas at PNP Chief Alan Purisima ay i-localize ang mga PNP Checkpoint.
Atasan ang mga police station na maglatag ng checkpoint sa kanilang area of responsibility. Dapat magdamag – mula 6:00pm – 6:00am tulad ng ipinatutupad kapag panahon ng eleksyon.
Natutuwa ako, ang mga tao, kapag may nakikitang checkpoint sa kalye. Dahil pakiramdam natin ay ligtas tayo kapag may nakikitang nakabantay na pulis sa kalsada.
Kaya bilang isang Manilenyo, hinihikayat natin si MPD Director, C/Supt. Rolando Asuncion, na ipatupad ang magdamag na PNP-MPD Checkpoint ng bawat Police Station sa Maynila.
Ito’y upang makita na rin nating nagtatrabaho ang mga pulis-Maynila. Hindi ‘yung sa sabungan o tupadahan na lang natin sila nakikita.
Oo nga pala, mayroon isang traffic police akong nadaraanan lagi d’yan sa kanto ng Kalaw-Roxas Boulevard na kung minsan ay sa UN-Roxas Boulevard na nagtatrapik mula umaga hanggang hapon. Umulan man o umaraw ay nagtatrapik ang mamang pulis na ito. Mukhang ‘badjao’ na nga ang itsura niya dahil nasunog sa init ng araw. Ang pangalang nakalagay sa kanyang nameplate ay J. VELASCO. Kapag nadaanan ko ang pulis na ito ay hinihintuan ko, ibinababa ko ang salamin ng kotse at sinasaluduhan. Napapatingin, ngumingiti at tumatango lang siya sa akin. Sa loob ko, mayroon pa palang masipag na pulis sa Manila’s Finest.
Gen. Asuncion, Sir, sana mabigyan n’yo ng kaukulang award ang pulis n’yong ito.
Text ni Chairman Parce ng Brgy. 20 Zone 2 (District 1, Tondo, Manila)
– Gud am! Sir Joey, si Chairman Parce ‘to ng Barangay 20 Zone 2, District 1 (Tondo, Manila). Araw-araw akong nagbabasa ng dyaryo mo. At itong araw na ito (kahapon) nabasa ko yung tungkol sa ‘jumpers’ (mga nagnanakaw sa mga sasakyan laluna sa truck) along Road 10. Halos nananawa na kami kakahuli ng mga jumper boys, kahit tingnan nyo po yung record ng Station 2. Pero ang problema ay ang mga complainant. Pagkatapos namin mahuli at mabawi yung mga nakuha nila ay hindi na sila nagrereklamo. Halos karamihan ay menor de edad. Baguhin nyo yung batas para sa mga menor de edad para mas malutas yan. Ultimo holdaper dyan along Road 10 pinaghuhuli na namin. – 09771527…
Naniniwala ako sa text na ito ni Chairman Parce. Sakop kasi niya ang paakyat ng Delpan flyover (mula kanto ng Zaragosa-Road 10, sa PPA Gate).
Ang barangay ni Chairman Parce ang isa sa pinakamalaking barangay sa Maynila. Sakop niya ang buong Parola (Tondo side) mula Almario Elem. School hanggang Isla Puting Bato na maraming moros na tulak. Depressed area ito. Pero masasaya ang mga tao rito.
Salamat sa reaksyon, Chairman. Mabuhay!
Mga kolorum at illegal terminal sa Zaragosa (Tondo, Manila)
– Mr. Venancio, parating ko lang sa LTO-LTFRB na mag-operate sila rito sa Zaragosa st., mula sa Gat Andres Hospital hanggang patagos ng Road 10, andaming kolorum dito na mga truck, elf, van at forward. Mga naka-triple parking pa. Sumikip na nga ang kalyeng ito dahil sa mga colorum na truck dito. Dapat hindi bigyan ng prangkisa ang may-ari ng mga truck na ito dahil wala silang parking. Kalsada ng Zaragosa ang ginawa nilang parkingan. Wala na tuloy kami madaanan. Sa gitna na nga naglalakad ang mga tao. Bukod sa mga truck, ginawa ring tindahan ng mga tabla/kahoy at buhangin ang halos isang lane ng kalsada. Grabeng obstruction po rito. Sana kapag nakabalik si Mayor Lim ay unahin niyang ipalinis ang kalye namin. Salamat po. Huwag nyo ilabas ang numero ko. – Concerned citizen
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio