ni Ed de Leon
PALAGAY namin, dapat magkaroon na ng bagong batas na pagtitibayin ng kongreso kung paano dapat piliin ang mga national artist dahil habang ang sinusunod ay ang dating proclamation na ginawa ni Presidente Ferdinand Marcos noong araw, para maparangalan iyang mga alagad ng sining na nagbigay ng karangalan sa ating bansa, at isang mabuting halimbawa sa mga mamamayan, laging magkakagulo. Kasi roon sa proclamation, maliwanag naman na iyan ay isang presidential award. Prerogative ng presidente ang masusunod. Kasi siya ang magtatalaga sa isang national artist at magbibigay ng mga karapatan doon na hindi maibibigay ng sino man sa NCCA at CCP.
Pero kung ganyan na ang gusto nila ay daanin sa rally at kung ano-ano pang uri ng protesta ang pagpili o pagpipilit sa isang national artist, aba eh malabo iyan. Kausapin nila ang mga congressmen at mga senador na gumawa na ng bagong batas.
PREROGATIVE NI PNOY ANG PAGPILI NG NATIONAL ARTIST
Pinipilit nila si Nora Aunor. Sa tingin ng Malacanang hindi dapat. Sino ba ang may prerogative? Maliwanag ang batas, iyang NCCA at CCP ay gagawa lamang ng rekomendasyon. Ang presidente ang may final say. Baka nakakalimutan niyang mga taga-CCP at NCCA na kaya lamang sila nasa puwesto ay dahil mga “presidential appointees” din sila. Baka nakakalimutan nila na ang kanilang mga ahensiya ay kumukuha lamang ng pondo at nasa ilalim ng Office of the President. Kailan nangyaring kailangang dapat magpaliwanag ang chief executive sa isang opisyal na siya ang nagtalaga at nasa isang ahensiya na nasa ilalim ng tanggapan niya? Baka mag-practice ng isa pang “prerogative” ang presidente at mawala sila sa puwesto nila. Alalahanin ninyo, iyong simpleng “lost of confidence” ay sapat na para alisin sa trabaho iyang mga presidential appointees na iyan.
At saka nagtataka lang kami, ano ang dahilan para paniwalaan nilang politika ang dahilan kung bakit hindi isinama si Nora? Hindi naman siya politician eh. Sinubukan niyang kumandidato sa Bicol pero natalo siya sa sarili niyang bayan. Nagkampanya siya talaga para kay Gloria Macapagal Arroyo. Kinalaban niya si Erap at si FPJ. Pero hindi siya political figure dahil binayaran lang naman siya para sa serbisyo niya.
At saka bakit umaangal sila? Bakit hindi nila sinabi iyan noong panahong sila naman ang umabuso at tinanggihan nila si Dolphy dahil lamang gumawa iyon ng mga pelikulang sa palagay nila nakasisira sa mga bakla? Ipaliwanag nga ninyo sa amin kung bakit nagalit sila kay Dolphy dahil lamang sa pelikula ng mga bakla? Bakit iyon hindi nila ipinaliwanag sa bayan? May popular clamor para si Dolphy ay maging national artist, pero sinasabi kinalaban kasi niya at ginawang katawatawa ang mga bakla. Tama ba iyon?