ni Ed de Leon
SIGURO naman sa kanyang initial telecast makakahataw kahit na paaano sa ratings iyong bagong show ni Marian Rivera. Aba, dalawang napakalalaking stars ang ginawang guest sa kanyang show, isipin mo sabay sina Vilma Santos at Maricel Soriano. Aba matindi iyang napagsama ang dalawang ganyan kalalaking stars. At palagay namin may pakiusapan iyan. Kung wala, isipin ninyo kung magkano ang talent fee na kailangang ibayad kina Governor Vilma at Maricel para sa guesting na iyan?
Si Ate Vi, sinasabi nga niya na “for all times’ sake” dahil alam naman natin na ang kanyang matagumpay na TV show noong araw, iyong Vilma, ay sa kaparehong channel. Isa pa, hindi rin niya makalilimutan na nag-guest din si Marian ng libre roon sa kanyang indie film na Extra.
Si Maricel, siguro nga kasi promo naman iyon ng serye nila kaya siguro nga madali siyang napapayag, at natural mas maliit ang talent fee niyan.
Sina Vilma at Maricel ay kapwa itinuring na malalaking stars ng mga dance show noong araw. Si Maricel ay nakagawa ng show na Maria,Maria sa PTV 4, na sinasabi nga nilang tanging show na nag-rate sa government channel ever.
Si Ate Vi naman, aba hindi na ipagtatanong ang Vilma, na basta Biyernes ng gabi ay talagang inaabangan na ang kanyang ginagawang opening number. Iyong mga advertiser nga noon, nagkakagulo dahil gusto nila iyong commercials nila bago ang opening number o immediately pagkatapos ng opening number ni Ate Vi. Kasi sinasabi nga nila, kahit na anong malaking show ang itapat doon, tiyak na panonoorin muna ang opening dance number niya bago lumipat. Iyon din ang panahon na ang mga kalaban nilang channels ay hindi na gumawa ng anumang matinding show na kalaban ni Vilma dahil sayang lang, maluluma lang sila. Isipin ninyo ang commercials noon sa Vilma, kung tawagin nila ay ”1+6″. Dahil para makapasok ka ng isang spot saVilma, ang babayaran mo ay pito, iyong anim ilalagay nila sa kung ano mang ibang shows nila. Kung hindi mo gagawin iyon, huwag ka nang umasa na makapapasok ang commercial mo sa Vilma. Iyan ang record na hindi nagawa ng iba, at hindi na na-duplicate kailanman.
Mahirap ulitin, dahil ang production team na gumawa niyan ay lumipat na ng network. Doon naman sa network nila, walang ganoon kalaking artista.