Pamaya-maya lang naman ay nanaog na si Jonas ng hotel.
“Oh, let’s go… Let’s go!” anitong pagkasigla-sigla nang sumakay sa pag-aari nitong van na imamaneho.
At nagbiyahe ang grupo patungong bahay ng matandang albularyo.
Dakong alas-tres ng hapon nang makarating doon sina Roby, Zaza, Jonas, Zabrina at Bambi.
Pangisi-ngisi si Jonas sa paghitit-buga sa usok ng may sindi nitong sigarilyo.
Naglabas naman ng cellphone si Bambi para kuhanan ng video ang pakikipag-usap ni Roby sa asawa ng albularyong si Ingkong Emong.
“Magandang hapon po, ‘La…” pagbibigay-galang ni Roby sa maybahay ng albularyo. “Ito po ba ang bahay ni Ingkong Emong?
“Ito nga, iho… Bakit?” ang tugon ng matandang babae.
“E, may sadya po sana kami sa kanya, e,” agap ni Roby.
Lumatay sa mukha ng matandang babae ang kalungkutan.
“Wala na ang mister ko. May sampung taon na siyang patay.”
Idinetalye ng matandang babae ang naging sanhi ng kamatayan ni Ingkong Emong na sadya ng grupo ni Roby.
“Pinatay ang asawa ko ng isang impakto… Buhat nang mawala noon ang anting- anting ng esposo ko ay nawalan na rin siya ng kapangyarihan na makagamot at makapagtaboy ng mga kampon ng kadiliman.” Sabi ng asawa ng albularyo.
“Anting-anting ba ‘ka n’yo, La?” naitanong ni Roby.
Tumango ang matandang babae na nagsabing isang puting panyo ang anting-anting ni Ingkong Emong na kinasusulatan ng mga katagang Latin na pangontra at pantaboy sa mga kampon ng kadiliman.
Sa kwento pa ng matandang babae, isang batang lalaki na sinapian umano ng engkanto ang ginagamot noon ni Ingkong Emong. Nang tangkain daw ng albularyo na palayasin sa katawan ng pasyente ang kampon ng kadiliman ay bigla na lamang itong nalugmok sa lupa.
(Itutuloy)
ni Rey Atalia