NAGTATANGGAPAN ngayon sa Philippine National Police (PNP).
Higit sampung libo raw ang kailangan. Ito’y para pamalit sa mga nasibak at sisibakin pang mga pulis na may mga kasong administratibo at kriminal.
Ang isang aplikante ay dapat college graduate, may taas na 5-4 sa lalaki at 5-2 sa babae, walang criminal records at nasa edad 21 hanggang 25 anyos.
Magsadya lamang kayo sa PNP Headquarters sa Bicutan para magpatala at malaman ang iba pang detalye para maging pulis.
Opkors daraan kayo rito sa mga eksaminasyon at medikal pagkatapos ay matinding training.
Masarap maging pulis ngayon. Dahil ang isang PO1 ay sumusuweldo na ng P18,000 plus allowances at maaari pa kayong mag-sideline tulad ng security pag off duty. May panukala pa na gawing P25,000 ang suweldo ng bagong pulis. Ayos!
Malaki rin ang pensyon ng isang pulis. ‘Pag nagretiro ka sa ranggo na SPO4 ay nasa P25,000 pataas ang pensyon. May pambili ng maraming salumpas. Hahaha…
Ang pagiging pulis ay isang noble profession, bayani kang maituturing. Gamitin mo lang sa tama, ayon sa iyong sinumpaang tungkulin, ang iyong uniporme, baril at tsapa.
Aplay na! Proud to be a “Mamang Pulis.”
Pinakamayamang
senador
si Cynthia Villar
SA mga isinumiteng Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN) para sa taon 2013 ng mga senador, tila si Senadora Cynthia Villar lang ang nagsasabi nang totoo.
Si Villar, dating kongresista ng Las Piñas City at misis ni ex-Sen. Manny Villar, ay nagsabi sa kanyang SALN na silang mag-asawa ay may net worth na P1.626 bilyon at walang liability o pagkakautang.
Ang mag-asawang Villar ay nagmamay-ari ng subdivisions, condominiums at malls sa Metro Manila at maging sa mga probinsya.
Pumapangalawa si Sen. Ralph Recto, mister ni Batangas Governor Vilma Santos, na may net worth na P496.8 milyon.
Sumunod sina Sen. Bongbong Marcos (P197.47-M net worth), Sen. Jinggoy Estrada (P193.58-M), Sen. Bong Revilla, Jr. (P193.58-M), Sen. Grace Poe (P148.9-M), Sen. Juan Ponce-Enrile (P119.37-M), Sen. TG Guingona (P114.9-M), Sen. Sonny Angara (P97.8-M), at Sen. Miriam Santiago (P76.7-M) para sa top 10 list of millionaires sa mataas na kapulungan.
Ang net worth ng iba pang mga senador: Sen. JV Ejercito (P73,998,448.59), Sen. Pia Cayetano (P73,296,314.82), Sen. Tito Sotto (P63,850,950), Sen. Nancy Binay (P63,778,409), Sen. Franklin Drilon (P58,139,382.09), Sen. Loren Legarda (P41,423,523), Sen. Sergio Osmeña III (P38,770,000), Sen. Lito Lapid ( P30,000,000), Sen. Alan Cayetano (P21,790,568), Sen. Gringo Honasan (P20,958,838), Sen. Bam Aquino (P20,493,306.59), Sen. Koko Pimentel (P16,996,000), Sen. Chiz Escudero (P8,243,820.21), Sen. Antonio Trillanes IV (P4,912,000).
Sina Revilla, Estrada (Jinggoy) at Enrile ay mga akusado sa P10-B pork barrel fund scam. Nahaharap sila sa kasong pandarambong o plunder na maari nilang ikakulong habambuhay!
Sa P193.58-M net worth na ito ni Sen. Jinggoy, kasama ba rito ang kontrobersiyal niyang ipinatatayong mansyon sa Wack Wack sa Mandaluyong City na umano’y nasa P500-M ang halaga?
Ang kay Sen. Escudero naman, sa kanyang P8.2M net worth, kasama na ba rito ang kanyang napakagarang kotse na nasa P5-M?
Sorry to say this: Hindi po ako kombinsido sa SALN na ito ng ibang senadores.
Kayo, mga igan, naniniwala ba kayo sa isinumite nilang SALN?
Remember: Si ex-Chief Justice Renato Corona ay pinatalsik ng mga senador dahil nagsinungaling daw sa SALN…
Kotong MTPB
sa Binondo, Manila
– Mr. Venancio, report ko po yung traffic enforcer dyan sa MTPB, sa kanto ng Recto at Buenavidez st., Binondo, Manila. Pag umaga nakatayo sya dyan, ang lakas pong mangotong ng taong yan. Sana po maaksiyunan ito, kasi garapalan na po kong mangotong e. – 09332626…
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio