MAINIT na balita ngayon ang tungkol sa disqualification case laban kay dating Pangulo at ngayo’y alkalde ng Maynila na si Joseph “Erap” Estrada.
Nakatakda na raw maglabas ng desisyon ang Korte Suprema sa nakahaing disqualification laban kay Erap. Ito’y matapos na pagsumitehin ng kataas-taasahang hukuman ng “memoranda” sa loob ng 30 days ang tatlong mga sangkot – ang nagsampa ng disqualification case na si Atty Alice Vidal, si ex-Mayor Alfredo Lim na naghain ng Petition for Intervention, at si Erap.
Si Erap ay sinampahan ng disqualification case ni Atty. Vidal noon pang Enero 2013, limang buwan bago ang local election.
Iginiit ni Vidal na si Erap ay hindi na maaring kumandidato o humawak ng anumang posisyon sa gobyerno dahil ito’y nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo at nakalaya lamang dahil sa pardon o executive clemency na ipinagkaloob ni dating Pres. Gloria M. Arroyo.
Ang ganitong kaso ay katulad ng kay ex-convict ex-Congressman Romeo Jalosjos na dinis-qualify ng Korte Suprema nang kumandidatong mayor sa Zamboanga noong 2013.
Ang kaso nalang laban kay Erap, na may kaugnayan sa election, ang hindi nadedesisyunan ng Korte Suprema. Ang mga kasabay na kaso tulad ng kay Jalosjos, Cong. Reyes ng Antique, Mayor Gamal Hayudini ng Tawi-Tawi, Mayor Rommel Arnadol ng Lanao del Norte, at iba pa ay naresolba na.
Dapat na talagang maglabas ng desisyon ang kataas-taasahang hukuman sa kasong ito ni Erap. Upang sa ganun ay matapos na ang isyung ito. Aba’y higit isang taon na itong nakabinbin sa hukuman e.
Kung sakaling pabor ang desisyon kay Erap, siya’y kampanteng makapaghahanda na uli para sa mas malaking laban sa 2016. Pero kung ito’y hindi naman pabor sa kanya, tanggapin nalang ang katotohanan dahil ito ang batas. Malupit!!! Pero yan parin ang batas…
Ang tanong naman ng marami: Sino ang uupong mayor kapag na-disqualify si Erap?
Well, abangan nalang natin. Dahil kasama yan sa magiging desisyon ng Korte Suprema.
Sa mga naging desisyon ng Korte Suprema sa ganitong kaso, ang umuupong alkalde o kongresista o gobernador man ay ang kandidato na ikalawang may pinakamalaking nakuhang boto.
Si Lim ang pangalawa kay Erap na may nakuhang pinakamalaking boto.
Ayan, may ideya na kayo… Abangan!
BARANGAY SA TONDO NA TAPUNAN NG BASURA
– Mr. Venancio, report ko po dito sa lugar namin laging tapunan ng basura. Lahat po ng barangay na inikot ko ay wala po kayong makikitang basura. Pero dito po sa barangay namin, Brgy. 63 Zone 6, ay grabe po ang basura. Tapos may bingohan pa sa harap ng bahay ng tserman. Ang mga naglalaro ng bingo ay mga kagawad at X.O., may tanod pa. Hindi po nila iniintindi yung mga dapat gawin sa barangay. Pag honoraria na, dyan sila mabibilis. – 0933956….
Brgy. 63 Zone 6 Chairwoman Elsie Santos, madam, pakibigyang-pansin lang po ang reklamong ito ng iyong residente. Aksyon!
MASIKIP NA ANG KALSADA SA BRGY. 41, KASIPAGAN ST., TONDO
– Sir Venancio, irereklamo ko lang po yung sa pagsakop ng kalsada namin dito sa Brgy. 41 Kasipagan st., Tondo, Manila. Halos hindi na po makadaan kahit ang motorsiklo. Wag nyo nalang po ilathala ang number ko. Sana po ay maaksiyunan ito. – Concerned citizen
Totoo ang report na ito. ‘Yung secondary roads sa Tondo ay talagang puros obstructions – ‘yung bangketa ginawang bahay at kumain pa sa kalsada ng halos isang lane. Kabilaan po ganyan. Puno pa ng mga nakaparadang sasakyan, padyak, tricycle, mga halaman at kung ano-anong basura. Kaya kapag nagkasalubong ang sasakyan ay malaking problema, gulo! Ito ang dapat tinatrabaho o nililinis ng Manila-Department of Public Service (MDPS). Trabaho rin ito ng barangay officials. Mga tserman, galaw-galaw naman pag may time!
REAKSYON at REKLAMO… Sumulat sa POLICE Files!: JGV Publishing House, Inc., Leyland Bldg., Delgado St., cor 20th St., Port Area Manila Phil. Telefax 521-7015
Cell: 0919-3297810 / E-mail add: [email protected]
Joey Venancio