ni Ed de Leon
JACKPOT ang Regal nang makuha nila si Derek Ramsay. Hindi naman natin maikakaila ang katotohanan na iyang si Derek ang isa sa pinakasikat nating actor sa kasalukuyan. Hindi nga ba ang kanyang mga pelikula ay sumira ng mga box office record.
Sinasabi lang nila na parang tumamlay ang kanyang career, dahil hindi masyadong visible ang kanyang mga project, pero hindi totoo iyon. In fact, sunod-sunod ang mga proyektong kanyang ginagawa, iyon nga lamang dahil napunta siya isang mahinang network kaya hindi masyadong visible ang kanyang projects. Hindi mo masasabing si Derek ang mahina, dahil lahat naman ng shows ng network nila, kahit na nga ang stars ay iyong mga pinakamalalaking artista sa industriya, hindi pa rin makalaban talaga. Kaya siguro nga may iba pang problema sa network, hindi naman ang mga artista lang. Inaasahan nila na may makukuha silang mas malakas na network, pero pumalpak na ang lahat ng negosasyon at mukhang iba na ang nakakuha ng mga shares na sinasabi nilang makukuha nila.
Suwerte rin naman si Derek, dahil Regal ang kumuha sa kanya ngayon. Alam naman ninyo ang Regal, talagang ginagastusan na rin ngayon ang lahat ng kanilang mga proyekto. Actually sila na lang ang lumalaban at masasabing bumubuhay kahit na riyan sa Metro Manila Film Festival, dahil gumagawa sila ng mahuhusay nilang pelikula, at hindi lamang isa kundi marami. Iyon ang talagang nagpapalaki ng kabuuang kita ng festival.
Sa mga kinikilalang major film companies noong araw, Regal na lang naman ang matatag eh. Iyong iba ay nagsara na at tumigil na sa pag-gawa ng pelikula. Iyong iba naman, gumagawa na lang ng mga pelikulang maliliit, iyong “pan-double” na lang pagdating sa probinsiya. Siguro naubusan na rin sila ng idea lalo na noong mawala na ang kanilang mga creative people. Eh ang Regal, sa simula’t simula pa si Lily Monteverde lang naman ang dumidiskarte sa kanilang mga project. Sinasabi niyang siya ay isang “movie fan noong araw” kaya alam niya kung ano ang pelikulang gusto ng fans.
Mukhang totoo naman, dahil sa ngayon sila lamang ang nakalalaban sa mga producer na hawak din ng malalaking television networks.