NAGING viral sa internet ang video na nagpapakita kay “Back To The Future” star Christopher Lloyd habang ibinibida ang real life hoverboard.
Mahigit walong milyon katao na ang nakapanood ng video ng sinasabing anti-gravity toy na ipinakita noon sa iconic 80s movies.
Ang video ay nagsimula sa pagbaba mula sa sasakyang DeLorean ni Lloyd, pumapel na madcap scientist na si Doc Brown sa pelikula, bitbit ang case na may tatak na ‘Huvr’.
Pagkaraan ay inilabas ng aktor ang hoverboard na ikinamangha ng mga celebrity, kabilang ang pro skateboarder na si Tony Hawk at si DJ Moby.
Nagkaroon ng pagkakataon ang ilan na subukan ang hoverboard na sinasabing ligtas dahil sa in-built anti-instability technology nito.
Gayunman, ang video ay sinasabing panlilinlang lamang, na isinagawa ng pranksters Funny or Die.
Sinasabing ang huvr ay binuo ng isang grupo ng MIT physics graduates na nakaresolba sa “important part of one of science’s mysteries”.
Hindi pa inaako ng Funny or Die, ang comedy video website na binuo nina Will Ferrell at Adam McKay, ang responsibilidad para sa nasabing elaborate prank.