ni Reggee Bonoan
NAGBALIK-BAYAN si dating Miss International Melanie Marquez sa Tanauan, Batangas noong Marso 8, Sabado bilang isa sa mga hurado sa ginanap na Parade of Lights na lumahok ang 29 floats na nagre-represents sa iba’t ibang negosyo sa nasabing lalawigan mula sa imbitasyo ni Mayor Tony Halili.
Kasama ni Melanie bilang hurado sina Dra. Vicki Belo, Patrick Garcia, at DZMM anchor na si Jobert Sucaldito.
Ayon sa mga taga-Tanauan ay first time nilang magdiwang ng Parade of Lights sa loob ng 13 years anniversary ng kanilang bayan kaya’t tuwang-tuwa sila sa project na ito ng kanilang mayor.
Ang ilan sa magandang float na napansin ng lahat ay ang Yazaki Torres Engine Technology dahil ang ganda ng mga ilaw at makukulay, The Park Café and Grill na ginawang restaurant ang loob ng sasakyan, ang tanyag na Panadera Pantoja na puro malalaking tinapay ang naka-display at tunay na apoy ang lumalabas sa oven nito, Sapphire International Aviation Center, Airport Shuttle Service, at ang Safety First na ginaya sa Lego movie ang concept.
Bilib kami sa pagkakaisa ng mga taga-Tanauan dahil ilang oras na hindi puwedeng daanan ang mga pangunahing kalye dahil nakita naming nagmamadali na silang umuwi galing sa trabaho ay hindi namin sila naringgan ng pagka-irita at galit, bagkus ay nag-park sila at nanood ng parada sabay meryenda sa malalapit na bakery at tindahan.
Bilib din kami sa mga batang sumali sa Parade of Lights na alas singko palang daw ng hapon ay nakapila na sila habang nag-e-ensayo sa kanilang sayaw gayung 8:30 p.m. pa nagsimula ang parada kaya kapag may nadaraanang tindahan ay bumibili sila ng inumin at kendi.
Anyway, ang Parade of Lights ay sponsor ng Rotary of Tanauan na may sarili ring float kasama ng Knights of Columbus.
Maligayang ika-13 anibersaryo sa mga taga-Tanauan, Batangas.