NAIPASA na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 4084 ni Antipolo Rep. Robbie Puno para maging naturalized na manlalaro ng Gilas Pilipinas si Andray Blatche.
Sa botong 216-0 at walang abstentions, nakalusot ang nasabing bill ni Puno kaya mapapabilis ang pagdating ni Blatche sa Pilipinas para tumulong sa Gilas sa kampanya nito sa FIBA World Cup sa Espanya at ang Asian Games sa Korea.
Magiging back-up si Blatche kay Marcus Douthit na naunang binigyan ng naturalization noong 2011.
Hinihintay na lang sa Senado ang parehong batas na iniakda ni Senador Juan Edgardo Angara at kapag naaprubahan na ito ay iaakyat ito kay Pangulong Aquino para maisabatas na.
Nag-a-average ngayon si Blatche ng 10 puntos, 5.4 rebounds at 1.4 assists para sa Brooklyn Nets sa NBA.
Samantala, nakatakdang imbitahan ni Rep. Elpidio Barzaga sina Marcio Lassiter at Greg Slaughter sa Kongreso upang alamin kung bakit umatras ang dalawa sa pool ng Gilas.
Si Barzaga ang tserman ng House Committee on Games and Amusements at nais niyang hilingin sa Games and Amusements Board na kanselahin ang lisensiya ng dalawa.
Umatras sina Slaughter at Lassiter sa Gilas dahil sa tingin nila ay mas karapat-dapat ang orihinal na 12 manlalaro ni coach Chot Reyes na pumunta sa FIBA World Cup at Asian Games. (James Ty III)