MATAAS pala ang kredebilidad ng dating spokesperson ni PGMA na si Rigoberto Tiglao.
Aba ‘e sa dami ng mga artikulong naglabasan ukol sa ‘YAMAN’ at ‘NEGOSYO’ ni Manuel V. Pangilinan sa iba’t ibang pahayagan at broadcast network ‘e ngayon lang nagkainteres ang Palasyo na paimbestigahan ang ‘higanteng’ nagmamay-ari ng MERALCO, Maynilad, NLEX, communications network (PLDT/Smart/Sun) at estasyon ng telebisyon.
Kulang na lang ay lagyan ni MVP ng metro ang hangin para maging ang hininga natin ay maikomersiyo at pagkakitaan din niya.
Iimbestigahan daw si Pangilinan dahil kapag napatunayan na ‘MUMMY’ este’ ‘DUMMY’ siya ng Indonesian tycoon na si Anthoni Salim ay malinaw daw ‘yan na paglabag sa 1987 Philippine Constitution na nagbabawal sa pagmamay-ari ng mga dayuhan ng mahigit sa 40 porsiyento sa mga kompanyang may negosyo sa bansa.
‘E bakit ngayon lang paiimbestigahan ng Palasyo? Kung kailan halos si MVP na ang may-ari ng mga kompanyang dinadaluyan ng batayang pangangailangan, gaya ng koryente at tubig, para sa mamamayan.
Onli in da Pilipins lang talaga na ang batayang serbisyo at pangangailangan ay ginagawang negosyo at hinahayaang mapunta sa mga pribadong kompanya.
Nawa’y maging seryoso ang Palasyo sa imbestigasyong ito.
Sana nga.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com