KANYA-KANYA SILANG DALA NG PAGKAIN AT SALO-SALO SILANG KUMAKAIN KASAMA ANG MGA PASYENTE
“Nag-ala-reporter ako kaninang wala ka pa. At napag-alaman ko, sa pasahe’y kanya-kanya silang dukot sa bulsa… Sa pagkain, kanya-kanyang dala. Kung minsan, nagbibitbit daw ng pagkain o kakanin ang mga pasyente. O kaya, galing sa mga kaibigan na sumisilip dito. Saka mayroon din daw nagkukusang-loob maglagak ng kahit barya-barya sa kanilang donation box,” paglilinaw ni Gary sa mga katanungan ni Jonas.
“Ganu’n ba’ng buhay nila rito? Aba’y binabaril sa Luneta ang taong nagpapakadakila, a!” tawa niya.
“Sabi ni Ka Lito, malaking kaligaya-han na raw para sa kanilang grupo ang makapaglingkod sa mga common-tao. At sa tingin ko, isang paraan ‘yun ng pag-aalay nila ng malasakit at pag-ibig sa kapwa,” ang nasabi ni Gary ukol sa pagseserbisyo ng mga acupuncturist na nakabase sa Bantayog.
“Sino naman si Ka Lito?” usisa niya.
“S’ya ‘yung sinasabi kong kapitbahay namin na pinuntahan natin dito para mainterbyu mo. Dati s’yang tserman sa aming barangay. Mahusay na acupunctu-rist… At kilala siya sa aming lugar na isang mabuting tao,” ang wika sa kanya ni Gary.
Nang magbalik sina Jonas at Gary sa Balay Bayani ay mga pasyente na lamang ang inabutan nila sa klinika. May pasyenteng nakadapa sa gawang kama-kamahan na tadtad ng karayom ang likod. May ilang nakatihaya, nakabaon naman ang mga karayom sa mga binti, braso at dibdib. Ang iba, na mistulang naiidlip din, ay nasilip nilang nangag-upong pasandal sa mga sil-ya at natatamnan din ng karayom sa ulo at iba pang parte ng katawan.
“Kumakain sila…” sabi kina Jonas at Gary ng matandang babaing napagtanungan nila at nagturo sa pinakakusina-komedor ng Balay Bayani, sa bandang kaliwang tagiliran ng istrukturang pormang-chalet ang kayarian.
Agad nagtungo roon ang magkaibi-gan. Dinatnan nilang apurahan sa pagsubo at pagnguya ng pagkain ang apat na acupuncturist kasalo ang mga pasyenteng nagamot na at hindi pa nagagamot, gayundin ang iba pang staff ng grupong nagdaraos ng serbisyong-medikal sa mga araw ng Miyerkoles at Sabado.
“Palagay ko’y ‘di nila tayo mahaharap sa araw na ‘to. Marami pa silang pasyente, e,” bulong kay Jonas ni Gary habang papalapit sila sa isang mahabang mesang kinakainan ng mga nananghalian.
“K-kelan kaya pwede?” ang maagap niyang pagsangguni sa kaibigan.
“Humingi tayo ng iskedyul…At para ‘di masayang ang lakad mo, ‘yung mga pasyenteng nagamot na ang interbyuhin mo muna. Tena, magpaalam tayo kay Ka Lito, kung pwede,” ang suhestiyon ni Gary.
“Sino sa kanila si Ka Lito?” (Itutuloy)
Rey Atalia