NAGTUNGO na si Mayor Alfredo Lim sa Washington para tumestigo pabor kay Pangulong Benigno Aquino III hinggil sa kinanselang kontrata para sa Pasig River at Laguna de bay dredging.
Kinansela ni PNoy ang nasabing kontrata dahil aniya, isa iyo sa ‘pinakamadayang’ proyekto na ginagawa ng gobyerno.
Paano nga naman masusukat at mapatutunayan na nahukay at nalinis ang nasabing ilog.
Milyon-milyon ang ginagastos sa project na ito sa panahon ni dating DENR Sec. Lito Atienza pero ilang buwan lang ‘e muli na namang magbabara ang ilog at sandamakmak na naman ang basura.
Kung hindi tayo nagkakamali, idinemanda si PNoy ng nasabing kompanya nang kanselahin niya ang kontrata.
Tsk tsk tsk …
SONABAGAN!
Tayo na ang naloko, tayo pa ang idinemanda.
FARMER’S PLAZA POLICE DESK BAKIT INI-PULL OUT?
NAIWASAN sanang mabiktima ng Martilyo Gang ang jewelry shop sa Farmer’s Plaza sa Cubao, Quezon City kung hindi tinanggal ang police desk sa nasabing establisyemento.
Ayon mismo kay Quezon City Police District (PS7) Cubao Station chief, Supt. Ramon Peranada ‘este’ Pranada, hiniling umano ng isang shop owner na tanggalin na ang nasabing police desk.
Kaya ang sabi ni Pranada, hindi raw sila dapat sisihin sa naganap na robbery dahil sa nasabing request ng isang shop owner.
Tinatayang umabot sa P2 milyon ang natangay ng martilyo gang sa nasabing establisysmento.
Dalawang buwan bago ito, pinasok din ng mga magnanakaw ang isang jewelry shop sa SM North EDSA.
Ang binansagang ‘Martilyo Gang’ ay isang grupo ng mga determinadong jewelry shop robbers. Kapag napasok na nila ang establisyemento, hindi sila nagdadalawang-isip.
Babasagin muna ang estante sa pamamagitan ng martilyo. Tatangayin ang mga alahas na pwede nilang tangayin. Lahat ng haharang sa kanilang plano ay nakahanda nilang ‘iligpit’ o patayin.
Ganyan sila kadeterminado.
Kung ikaw ay isang security guard na ayaw pang mamatay at mayroong inaalalang pamilya, tiyak iiwasan mong makasagupa ang ‘Martilyo Gang.’
Ganyan din ang ibang pulis.
Masisisi ba natin sila kung ayaw nilang mamatay dahil sila lang ang inaasahan ng kanilang pamilya?!
At mukhang ‘yan ang gustong puntuhin ni KERNEL PRANADA.
Hindi bale nang maganap ang isang krimen huwag lang mamatay ‘yung pulis.
Pero alinman sa dalawang ‘yan ay ayaw ng lahat ng mamamayan na nagmamahal sa katahimikan at kaayusan ng isang komunidad o lipunan.
Dapat din natin siguro tanungin si Kernel Pranada, kung bakit ini-request no’ng isang shop owner na tanggalin ang police desk.
Masyado ba silang malakas tumara?! Masyado bang magastos sa bogtsi? O masyadong demanding?
Itanong na rin natin kung bakit nang mag-request ‘yung isang shop owner na tanggalin ang police desk ‘e bakit agad niyang pinagbigyan?
Sino ba ang dapat masunod sa security ng isang lugar?
Hindi man lang ba niya kinunsulta ‘yung ibang shop owner?
Tapos ngayon, pagkatapos ng naganap na robbery ‘e ibabalik na raw nila?!
Ano bang ibig sabihin n’yan?!
Tsk tsk tsk …
Hindi kaya mga alaga din ng lespu ang Martilyo Gang sa kasong ‘yan?
‘Wag naman po sana…
Pero QCPD District Director, Gen. Richard Albano, wala ka bang naaamoy na malansa sa inasal na ‘yan ni Kernel Pranada?!
Pakisagot lang po.
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0915.804.76.30 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com