ni Reggee Bonoan
SPEAKING of Honesto, hindi pa man natatapos may bagong project na agad si Raikko Mateo, ang Wansapanataym na mapapanood sa buong buwan ng Abril dahil naniniwala ang Dreamscape Entertainment na maraming makaka-miss sa sa batang cute na ito.
Hindi aware si Raikko na sikat na siya dahil nang tanungin siya kung ano ang nararamdaman niyang matatapos na ang Honesto ay kaswal lang niyang sinabing, “masaya po.”
Kasi nga natupad na ang pangarap niyang mapanood ang sarili sa telebisyon na sa tuwing matatapos ang take ay pinanonood niya kaagad sa monitor ang sarili at kitang-kita na masayang-masaya ang bagets.
Hindi rin alam ni Raikko na nag-trend sa kapwa niya bagets ang pagsusuot ng bonnet na maski tirik ang araw ay may mga bata pa ring may suot nito dahil nga idolo nila si Honesto kaya ginagaya hanggang eskuwelahan.
Samantala, bukod sa bonnet-trending ay malaking factor din na maganda ang istorya ng Honesto kaya ito nanatiling number one sa primetime na maski anong itapat na programa ay hindi natatalo. Patunay dito ang datos ng Kantar Media noong Lunes (Pebrero 24) kung kailan nakuha ng number one primetime teleserye ng ABS-CBN ang pinakabago nitong all-time high national TV rating na 35.6%, o mahigit doble sa nakuha ng katapat nitong programa sa GMA na Adarna (17.1%).
Wagi rin ang Honesto sa social networking sites tulad ng Twitter na pinag-uusapan at naging worldwide trending topic ang hashtag na #HonestosLastFifteenNights. Higit sa lahat ay maganda ang advocacy ng programa dahil sa takbo ng kuwento nito na tungkol sa ‘honesty’ at sa katunayan ay marami tayong kababayan sa ibang bansa na binigyan ng parangal dahil sa kanilang pagiging tapat sa trabaho.
Bukod kay Raikko ay kasama rin sina Paulo Avelino, Cristine Reyes, Joel Torre, Joseph Marco, Janice de Belen, Angel Aquino, Nonie Buencamino, Melissa Ricks, at Eddie Garcia na idinirehe nina Jerry Lopez Sineneng at Darnel Joy Villaflor handog ng Dreamscape Entertainment.