HAYAGAN na ang pambibilog ng ulo nitong si Floyd Mayweather Jr sa kanyang fans maging sa mundo ng boksing.
Kungdi ba naman, panay ang “deny” niya na namimili siya ng mga boksingerong makakaharap na inaakala niyang tatalunin niya.
Ikanga ng mga kritiko, eksperto at ilang nag-iisip na boxing fans na tuso talaga itong si Floyd dahil sa nagmumukha siyang magaling sa mata ng kanyang fans dahil nga sa ang pinipili niyang kalaban ay alam na alam niyang kakayanin niyang talunin.
Bakit hindi natin sasabihing tuso e, halata naman na namimili siya ng kalaban, tinatangkilik pa rin siya ng kanyang mga bulag na tagahanga.
Katulad ngayon. May pautot pa itong si Floyd na kunwari ay may botohan siyang isinalang sa internet kung sino ang gusto ng fans na makaharap niya.
Pero duda agad ang mga miron sa gimik ni Floyd dahil dalawang pangalan lang ang pagpipilian ng fans. Wala ang pangalan ni Manny Pacquiao na alam naman ng lahat na siyang gustong ikasa sa tinaguriang “money” ng boksing.
Heto pa ang siste. Pagkatapos ng “online voting” na nanalo si Amir Khan, naiba ang kurot ng talangka sa ulo ni Mayweather. Isinantabi niya ang botohan at pinili si Marcos Maidana.
Ayon sa kanya, mas kredibol na kalaban si Maidana kesa kay Khan.
Nagtaasan agad ang kilay ng mga miron sa boksing dahil mukhang nasindak na naman itong si Floyd kay Khan na alam naman natin na may angking bilis na posibleng tumalo sa istilo niya.
Anyway, nariyan na iyan. Wala nang magagawa ang fans ni Floyd maging mga “haters” niya kungdi panoorin ang laban nito.
Pero kuwidaw siya sa magiging laban nila ni Maidana. May angkin naman itong lakas na posibleng gumiba sa kanya.
Ikanga ng mga matatandang boxing aficionados, pili siya nang pili pero matatapat din siya sa bungi.
Tama iyon. May araw din na matsatsambahan siya na magpapatulog sa kanya.
At baka si Maidana na nga iyon.
0o0
Sumalang na sa sparring si Manny Pacquiao kontra kay American boxer Haskell Rhodes. At ayon sa huli, impresibo ang paghaharap nila sa loob ng 4 rounds.
Nasa kondisyon si Manny.
Good news iyon sa mga fans ng Pambansang Kamao. Asam kasi ng lahat na makakabawi si Manny kay Timothy Bradley Jr. sa muli nilang paghaharap sa Abril.
Kailangang bumuwelta si Pacquiao kay Bradley para mabura nang tuluyan ang masagwang pagkatalo ng una sa isang kontrobersiyal na laban.
Pero mukhang magiging mahirap iyon dahil handang-handa na ngayon si Bradley. At isa pa, malayo na rin ang inakyat ng kalidad ng Kanong boksingero.
Alex Cruz