HAHARAP ngayon ang may-ari ng Ever Bilena Cosmetics na si Dioceldo Sy kay PBA Commissioner Chito Salud at ang tserman ng PBA board na si Ramon Segismundo tungkol sa plano ng Blackwater Sports na maging bagong koponang kasali sa liga.
Layunin ng pulong na determinahan kung kaya ba ni Sy na gumastos ng malaki para magtayo ng koponan sa PBA.
Sinabi ng isa sa mga associates ni Sy na si Wilbert Loa na kaya ng Blackwater na makapasa sa mga patakaran ng PBA para maging expansion team.
“Kaya naman namin. Kasi kami naman ang top selling Filipino make-up brand. The sales chart of our company will prove that we are a legit applicant,” wika ni Loa sa panayam ng www.spin.ph.
“Our brand has been a household name and synonymous with women’s beauty products. Thirty one years na ang Ever Bilena. Hindi kami hao shao (fake) na kumpanya.”
Idinagdag ni Loa na nais ng Blackwater na magbigay ng trabaho sa mga manlalarong nawalan ng koponan sa PBA lalo na malapit nang magsara ang ASEAN Basketball League pagkatapos na nagbitiw ang CEO ng liga na si Anthony Macri.
“At least, kung makakapasok kami, that’s 14 more playing opportunities for 14 more players. And hopefully. madagdagan pa ulit ng isa pa o dalawa pang sasali. Sana hindi lang kami ang magpakita ng interest,” ani Loa.
Kung magtatagumpay ang Blackwater na makapasok sa PBA, susunod ito sa yapak ng Rain or Shine at Globalport na parehong galing sa Philippine Basketball League.
(James Ty III)