MGA de-unipormeng pulis na hinihinalang may ilegal na pasugalan at ang mga pulis na nangongolekta ng perang padulas para sa ilang opisyal ng pulisya sa Metro Manila ang bumida sa kolum na ito noong Martes.
Habang nakaantabay ang Firing Line sa magiging aksiyon ng awtoridad o reaksiyon mula sa National Capital Region Police Office at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga de-unipormeng scalawag, isa-isahin muna natin silang nagdedelihensiya ng “intelihensiya” para sa ilang opisyal ng pulisya sa limang police districts at sa ilang CIDG units sa Metro Manila.
Sinabi ng aking mga espiya na ang pinakasikat, este pinaka-notorious, sa mundo ng mga pulis na bagman ay si Police Officer 2 “Bebet.” Bagamat nakatalaga siya sa Police Regional Office 3, na pinamumunuan ni Chief Superintendent Edgardo Ladao, si Bebet at isang PO2 “Jigs,” na nasa Eastern Police District (EPD) naman, ang nangongolekta ng ‘tong’ mula sa mga operator ng ilegal na pasugalan, prostitution dens, club na may “bold show,” paihi ng gasolina at krudo, at pasingaw ng LPG.
Sina Bebet at Jigs din ang nangongolekta ng padulas para sa STF ng CIDG.
Sa totoo lang, wala naman talagang STF ngunit ang mga pondong nahakot ng mga kolektor ay dumederetso umano sa ilang opisyal ng mga totoong unit ng CIDG sa Camp Crame.
Isang SPO4 Mei P., ang counterpart nila sa CIDG unit sa katimugan ng Metro Manila.
Sa police district ng Quezon City, ang binibigyan ng suhol para iwas-istorbo ang mga ilegal na negosyo ay si SPO4 Cesar. ‘Pilosopo’ kung ilarawan siya ng kanyang mga kabaro. Para sa CIDG sa lungsod, ang kausap ng mga ilegalista ay si SPO1 Bert P.
Pero posibleng ang pinakamataas ang ranggo na pulis/bagman ay naglilingkod sa kanyang mga hepe sa Eastern Police District. Siya ay isang inspector (tinyente) na itago na lang natin sa pangalang Ed M. Sa teritoryo ng koleksiyon ni Ed, ang counterpart ng CIDG ay isang sibilyan na nagngangalang “JR,” na bata naman ni Baby M.
Itong si Baby M. ang bagman ng CIDG nationwide. Ngunit last week lang, dahil umiinit na ang kanyang pangalan, ay may balitang pansamantala muna niyang ipinasa ang kanyang responsibilidad kay PO2 “Bebet.”
Sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela) area, na saklaw ng Northern Police District, isang retiradong police sergeant na may pangalang “Cristobal” ang may hawak ng koleksiyon, habang idinidirekta ni SPO3 Edwin A. ang kanyang nahakot sa CIDG unit na nag-o-operate sa hilaga ng metropolis.
Siyempre pa, sa Manila Police District (MPD), isang pulis na tatawagin nating “Buboy A.” ang sagot sa mga pangangailangang pinansiyal ng ilang pulis gamit ang kanyang nakolekta sa tong. Isang pulis naman na nagngangalang “Chua” ang naglilingkod sa kanyang mga boss sa CIDG sa Maynila.
Si SPO4 Nono B. naman ang bagman ng CIDG NCR at may mga tao siya—sina Teddy, Arthur at Tagoy—para umikot sa mga may ilegal na puwesto sa buong Metro Manila.
Ang Detection and Special Operations Division (DSOD) naman daw ng CIDG ay ipinangongolekta ni PO3 Bong P. sa tulong nina Chito G., Owan, at Jose.
Muling nananawagan ang Firing Line kay Director Carmelo Valmoria, hepe ng NCRPO, kay CIDG director, Chief Superintendent Benjamin Magalong, at sa liderato ng limang police district sa Metro Manila. Paki-aksiyonan po ito para mapabulaanan ang balitang hindi raw totoo ang no-take policy ni PNP Chief Director-General Alan Purisima.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.