ni Reggee Bonoan
NAKAIINGGIT si Alice Dixson dahil sa edad niyang 40 mahigit ay nasa 26 inches ang beywang at biniro kaming edad daw niya iyon.
Kaya naman halos lahat ng fans ni Alice ay mga bagets kaya sabi namin ay kilabot ng mga bagets ang aktres na nagsimula noong ipareha siya kay Mark Neumann sa The Lady Next Door.
Oo nga Ateng Maricris, ang daming nagkagusto sa tambalan nina Alice at Mark as if naman puwede silang love team sa lahat ng programa ng TV5.
Inisip kasi siguro ng mga bagets na may crush kay Alice na baka puwedeng magkagusto nga ang aktres sa isang teenager.
At alam mo ba ateng Maricris, sa buong cast ng Confessions of A Torpe ay si Alice ang may pinakamaraming fans na talagang nagpapa-fan sign sa kanya na ilalagay naman sa website ng nasabing programa.
Sumunod kay Alice ay si Mark, o ‘di ba hoping ang fans na baka nga puwedeng magkaroon ulit ng project ang dalawa pagkatapos ng The Lady Next Door.
Anyway, si Alice ang love interest ni Ogie Alcasid alyas Tupe sa Confessions of A Torpe na hindi naman makapanligaw nang husto dahil nga torpe.
Kaya ang tanong namin kay Alice ay kung may na-experience na siyang manliligaw na torpe?
“Yes, when I was in high school, there was this boy na sobrang torpe na natapos ang school year na hindi nasabi ‘yung gusto niyang sabihin. Tapos noong nagkita ulit kami, finally nasabi yata niya and we became boyfriend/girlfriend, pero sandali lang kasi after high school we went to college, magkaiba kami ng school tapos hanggang sa nagkahiwalay na nga.
“So, parang ganoon din dito si Tupe, played by Ogie na high school, gusto niya ako, tapos nawala ako, then bumalik ako graduate na kami at nagwo-work na siya, ganoon pa rin torpe pa rin,” kuwento ni Alice sa takbo ng istorya ng Confessions of A Torpe na ididirehe ni Soxy Topacio.
Samantala, hiningan ng komento si Alice kung anong masasabi niya kay Anne Curtis bilang bagong Dyesebel na ieere sa ABS-CBN.
Matatandaang gumanap si Alice bilang Dyesebel sa pelikula noong 1990 na ayon sa aktres ay edad 17 siya noong ginawa niya ito at natapos ng edad 20 na, “three years in the making ‘yun kasi si Mother (Lily Monteverde), ang daming idinagdag,” natawang sabi ng aktres.
“You’re more censored when it comes to TV. I had fun with my ‘Dyesebel’. Siguro the only advice I can give her (to Anne) is having fun with the role and it would be very memorable.
“Kasi ako I was remembered by that role. That made me,” pagtatapat ng magandang aktres.
Ang pagkakaiba lang nina Alice at Anne ay may edad na ang huli para sa papel nitong Dyesebel.
Kung sakaling alukin si Alice na gumanap bilang sirena, tatanggapin ba niya sa edad niya ngayon?
“Kaya ko but will it have the same viewership? I don’t know. I don’t think so. Siguro if I play a special participation, okay lang. But to revolve around me, I think, nagawa ko na ‘yan eh. It’s nothing new for the viewers.
“If you put me maybe as a kontrabida in the show, maybe puwede pa ‘yun. I’d like to do that. That would be fun for me para maiba naman,” katwiran ni Monique (papel niya sa COAT).
At maski na contract star ng TV5 si Alice ay puwede raw siyang gumawa sa ibang network basta magpapaalam siya.
“Every project that I do outside of TV5, kailangan ko ipaalam. And, so far, hindi sila naging madamot. Like kung may guestings ako on GMA 7.
“Actually, nag-guest na ako sa ABS-CBN eh. I did a morning show on ANC. And I did Boy Abunda news program. And also I have an upcoming guesting for ‘MMK’ (Maalaala Mo Kaya). And that was agreed a long, long time ago.
“I think as long as hindi siya tumatapat kung saan ako lumalabas, pumapayag naman sila (TV5). Hindi naman sila madamot, basta ipaalam ko,” kuwento ni Alice.
Ang kaso hindi naman puwedeng tumanggap ng serye si Alice mula sa ABS-CBN at GMA 7 dahil may serye siya sa TV5.