Kumilos na ang Philippine Racing Commission (Philracom) laban sa mga llamadong kabayo na sadyang ipinatatalo sa laban matapos tumanggap ng reklamo mula sa ilang karerista.
Sa takot ng komisyon na mababalewala ang pagsusumikap ng ilang horse owner organizations na mapaganda ang kompetisyon ng karera sa bansa, babantayan na ang galaw ng mga hinete sa ibabaw ng kabayo upang mapigilan ang kaliwa’t kanan na katiwalian sa loob ng karerahan.
Dahil dito, magsasagawa ng imbestigasyon ang Philracom sa ilang kaduda-dudang pagkakatalo ng mga llamadong kabayo sa gitna ng laban sa tatlong karerahan.
Ito ang reaksiyon ng Philracom sa nakakadismaya at garapalan na pagpapatalo ng ilang llamadong mananakbong kabayo sa gitna ng laban.
Kabilang ding babantayan ng komisyon ang mga board of stewards na nagbubulag-bulagan sa mga kaganapan sa gitna ng laban.
Napansin ang garapan na perderan sa uri ng pagdadala ng hinete na kadalasan ay umaalis ng bugaw sa umpisa ng karera at dumarating na bugaw pa rin sa pagtawid sa finishing line.
Sinabi ni Philracom racing director Commissioner Jess Cantos, magsasagawa sila ng pagrereview sa lahat ng mga llamadong kabayo na natalo sa mga pinagdududahang sinalihang karera.
Papatawan ng parusa ang mga hinete at kabayong nasasangkot sa katiwalian o garapalang pagpeperder.
Nagbabala ang komisyon sa mga hinete na nakikipagsabwatan sa mga horse owners na bumababoy ng karera na hindi sila mangingiming ipataw ang mabigat na parusa sa oras na mapatunayan na sinadyang ipatalo ang sakay nitong kabayo.
Mahigpit din na tinututukan ngayon ng komisyon ang mga hinete na nagdadala ng mga pabababaing kabayo na may timbang na 52 kilos.
Ni andy yabot