PATAASAN ng lipad ang Ateneo Lady Eagles at Adamson University Lady Falcons sa semifinals step-ladder match ngayong hapon sa nagaganap na 76th UAAP women’s volleyball sa The Arena, San Juan.
Maghahatawan sa unang step-ladder ang No. 3 Ateneo at No. 4 Adamson upang harapin ang No. 2 National University Lady Bulldogs na sagpang ang twice-to-beat advantage.
Nag-aabang naman ang three-time defending champions De La Salle Lady Spikers sa Finals matapos nilang walisin ang 14-game eliminations round.
Nabago ang format na No. 1 vs No. 4 at No. 2 laban sa No. 3 para sa semifinals dahil sa tinarak na 14-0 ng Lady Spikers kaya dumiretso agad sila sa Finals bitbit ang insentibong thrice-to-beat.
Lumaylay sa top four ang Adamson nang matalo sila sa kanilang pang-14 na laro kontra University of Sto . Tomas Tigresses, 23-25, 18-25, 25-23, 15-25.
Laking pasasalamat na lang ng Lady Falcons dahil tinalo ng Lady Eagles ang Far Eastern University Lady Tamaraws upang magkaroon sila ng rubber match para sa pang-apat na puwesto.
Sa tie-break game dinagit ng Lady Falcons ang 25-17, 23-25, 23-25, 25-13, 15-11 laban sa Lady Tams.
Hindi maitago ni Adamson coach Sherwin Meneses ang kanyang saya nang makuha ng kanyang mga bataan ang deciding fifth set.
“Kahit pa five sets OK lang, ang mahalaga manalo,” wika ni Meneses.
Humataw ng 25 points, 24 attacks at isang block si Shiela Pineda para sa Adamson habang nakakuha ito ng suporta kina Mayette Zapanta (14pts.), Amanda Villanueva (12pts.) at Faye Guevarra (11pts.).
Tumapos ang Lady Bulldogs ng 12-2 win-loss card, 10-4 ang Lady Eagles at 6-8 ang Lady Falcons.
Samantala, bago ang 4:00 P.M. encounter ng Lady Eagles at Lady Falcons, maghaharap muna sa men’s division ang Ateneo Blue Eagles at FEU Tamaraws sa alas dos ng hapon.
Kakapitan ng No. 2 Ateneo ang twice-to-beat bentahe upang makasampa sa Finals kontra sa mananalo sa pagitan ng No. 1 at defending champions NU Bulldogs at No. 4 Adamson Falcons.
Twice-to-beat din ang NU. (ARABELA PRINCESS DAWA)