AYAW man niyang aminin ay mukhang nanghila na si Sen. Jinggoy Estrada nang makakaramay sa hukay na kanyang kinasadlakan bunga ng pagkakadawit sa kontrobersyal na P10 bilyon pork barrel scam.
Mantakin ninyong ibinunyag nito na may mga dati at kasalukuyang senador na nilapitan din umano ng pinakabagong testigo na si Ruby Tuason, para alukin ng proyekto para sa kanilang priority development assistance fund (PDAF) o pork barrel.
Pero ang masaklap ay ayaw niyang pangalanan kung sinu-sino ang kanyang tinutukoy dahil hindi raw niya karakter ang mandamay ng senador. Hahayaan na lang daw ni Jinggoy na ang mga CCTV footage ang magbunyag kung sinu-sino ang mga senador na binisita ni Tuason.
Hinahamon na si Jinggoy nina Sens. Miriam Defensor-Santiago at Antonio Trillanes na pangalanan ang mga senador na pinuntahan din ni Tuason pero ayaw niyang magsalita.
Ang puna tuloy ng iba ay bakit pa raw ito ibinunyag ni Jinggoy kung hindi niya kayang tukuyin? Hindi raw ba paghahanap ng maidadamay ang ginawa niya? Gusto ba niyang gawing hula-hulaan ang sensitibong isyu ng pork scam? Hindi raw ba ito pag-amin na tungkol sa PDAF ang sadya sa kanya ni Tuason? Tama nga siguro si Guingona na asal “kanto boy” raw si Jinggoy.
Nang humarap si Tuason sa Senado ay umamin ito na naghahatid siya noon kay Jinggoy, at pati kay Gigi Reyes na dating chief of staff ni Sen. Juan Ponce-Enrile, ng mga bag na naglalaman ng pera na kickback umano mula sa mga proyekto na pinondohan ng PDAF nila.
Akalain ninyong nagmukhang inililigtas din ni Jinggoy ang tinaguriang “pork scam queen” na si Janet Napoles sa ibinulgar, dahil hindi raw niya alam kung sangkot si Napoles sa mga pagbisita umano ni Tuason sa ibang senador.
Kung may gustong ibunyag si Jinggoy ay sabihin sana niya nang diretsahan at walang patagu-tago, mga mare at pare ko. May mga nagtatanong kung gusto raw ba ni Jinggoy na magkaroon ng takot o utang na loob sa kanya ang ibang senador, dahil may pinanghahawakan siya sa mga ito?
Ilantad!
***
ANO ang tingin ni Napoles sa kanyang sarili, dating presidente ng bansa?
Akalain ninyong hiniling ng kampo ni Napoles sa korte na payagan siyang mailagay sa hospital arrest dahil may tumor daw ito sa ovary. Ayon sa kanyang abogada ay dumaranas daw si Napoles ng pananakit ng dibdib, pagbaba ng timbang at kung anu-ano pa.
At ang matindi pa ay gusto nila na ma-confine raw si Napoles sa St. Luke’s Hospital sa Global City, Fort Bonifacio sa Taguig. Ang akala ba ni Napoles ay puwede siyang ihanay sa mga dating pangulo na nailagay sa hospital arrest dahil sandamakmak ang kanyang pera?
Magpasalamat siya at nakakulong siya sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa, Laguna. Kung masusunod lang ang karamihan ay mas gugustuhin daw nilang makitang nakapiit ang damuho sa isang ordinaryong selda na kasama ang mga pusakal para maturuan ng leksyon at madala.
Tandaan!
Ruther D. Batuigas