NAKAKUHA ng maagang abante ang Far Eastern University sa finals ng men’s football ng UAAP Season 76 pagkatapos na padapain nito ang University of the Philippines, 4-1, sa extra time sa Game 1 ng best-of-three na serye noong isang araw sa FEU-Diliman field sa Quezon City.
Nagpasabog ng tatlong goals ang Tamaraws mula kina Joshua Mulero, Harold Alcoresa at Jess Meliza sa extra time upang makalayo sila mula sa 1-1 na tabla sa pagtatapos ng regulation period.
Nakauna ang FEU sa pamamagitan ng goal ni Arnel Amita sa ika-pitong minuto bago naitabla ni Carlos Monfort ang laro sa kanyang goal para sa UP sa ika-89 na minuto kaya nagkaroon ng extra time.
Ngunit nanaig pa rin ang bangis ng Tamaraws sa extra time kaya isang panalo na lang ang kailangan upang manatili ang kanilang titulo.
Sisikapin ng FEU na tapusin ang serye sa Game 2 bukas sa pareho ring venue simula alas-2 ng hapon.
Sa alas-10 ng umaga bukas din ay tatangkain ng FEU women’s team na masungkit ang korona kontra University of Santo Tomas .
Nanalo ang Lady Tamaraws, 1-0, sa Game 1 noon ding Huwebes.
Ni JAMES TY III