HINDI na kasama si Leo Austria sa coaching staff ng San Miguel Beer para sa PBA Commissioner’s Cup pagkatapos ng maraming pagbabago sa koponan.
Kinompirma ni Austria na nakatanggap siya ng tawag mula sa pinuno ng sports department ng San Miguel Corporation na si Robert Non tungkol sa pagkatanggal niya bilang isa sa mga assistant coaches ng Beermen.
“Hindi ko na-experience ‘yun (samahan) eh. Minsan nababanggit ko yun nun: ‘Maganda dito sa San Miguel dahil iba ang may pinagsamahan,’ before (nung player pa ako) talagang inggit na inggit ako sa mga taga San Miguel, dahil ang ganda ng samahan,” wika ni Austria sa panayam ng www.spin.ph.
Inalis si Austria pagkatapos na gawing head coach ng SMB si Biboy Ravanes at si Gee Abanilla naman ay naging team manager kapalit ni Siot Tanquingcen na lumipat sa Barako Bull bilang consultant.
Nadesmaya si Austria nang nalaman niya na mas magiging aktibo sa bench ng Beermen ang Amerikanong assistant coach na si Todd Purves.
Tinalo ng SMB ni Austria ang Indonesia Warriors ni Purves sa finals ng ASEAN Basketball League noong isang taon.
“Hindi naman ako yung uri na makikialam during the game na makikisigaw at makikiutos. Alam ko irespeto ang hierarchy. Wala silang dapat ikatakot sa akin. Hindi ako nananaksak ng likod,” ani Austria .
Dahil sa pangyayari, walang trabaho si Austria pagkatapos na magbitiw siya bilang head coach ng Adamson University sa UAAP men’s basketball at si Kenneth Duremdes ang pumalit sa kanya.
“Iniwan ko talaga lahat, kasi akala ko okay na ko rito. Kampante na ko. Pero ngayon aasa na lang ako na baka may ibang team o company diyan na makita ang mga nagawa ko,” pagtatapos niya.
(James Ty III)