Reggee Bonoan
ILANG araw ng pinagpipiyestahan sa pahayagan ang hindi pagpapansinan nina Vice Ganda at Karylle sa programang It’s Showtime at kamakailan ay nasulat namin dito sa Hataw ang dahilan base sa source namin sa programa.
Kaya naman sa ginanap na post-Valentine cum thanksgiving party ni Vice para sa entertainment press noong Miyerkoles ng gabi sa Packo’s Grill ay hindi namin siya tinantanan kung ano talaga ang nangyari.
Ayaw sana ni Vice magkuwento pero baka raw hindi tama ang makarating kaya napilitan na rin.
“Ayaw kong magsinungaling kaya ayaw kong pag-usapan, yes mayroon hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya kinikibo, pero hindi ako galit sa kanya, teka asan ba ‘yung handler ko (sabay linga).
“O, sige ikukuwento ko para maliwanagan ang lahat, unang-una, may trabaho kaming dapat gampanan, pangalawa, hindi naman ako galit sa kanya (Karylle), naiilang lang ako.
“Baka mapagalitan ako ng management, ‘di bale aalis naman ako (dalawang linggo siya sa San Francisco). Mawawala naman ako, ha, ha, ha,” natatawang sabi ni Vice.
“Ayokong sabihing ‘yes we’re okey’ tapos eventually hindi pala, ayoko namang masabihang ‘sinungaling ‘tong baklang ‘to’ eh, ayoko naman ng ganoon. Okay na sa akin ‘yung hindi ako maganda, pero ayoko ng sinungaling.”
Nagsimula sa minor tampuhan
“Nagsimula ang tampuhang ito na sobrang minor lang talaga, parang victory party ng ‘Girl Boy Bakla Tomboy’, lahat ng mahahalagang tao, malalapit sa akin, mahal kong tao in-invite ko, tapos hindi nakapunta si K.
“Mayroon kaming group chat na mga host sa ‘Showtime’, tapos hinanap siya nina Vhong (Navarro), Anne (Curtis), ‘nasaan ka na?’
“Tapos sabi niya, una niyang (Karylle) dahilan, ‘hindi naman ako invited’, tapos sabi ni Vhong, ‘paanong hindi ka invited, eh, lahat invited?’ At saka paano mo nasabing hindi ka invited, eh, nandoon ka noong in-invite tayo.
“Tapos sabi niya (Karylle), ‘wala kasi akong driver’ iyon ang sumunod niyang sabi. Tapos sinabi nina Vhong, ‘tutal malapit ka naman dito, gusto mo sunduin ka na lang,’
“Tapos ‘yung sumunod na dahilan niya (Karylle), ‘tinatamad kasi ako,’
“So ako, na-offend ako bilang malapit na kaibigan ni K, kasi kung hindi malapit sa akin si K, hindi ako mao-offend kasi hindi naman lahat nakapunta, eh. Pero dahil mahal ko at malapit sa akin, nagtampo ako.
“Kung hindi na lang niya siguro sinabi kung ano ang dahilan niya, baka okay lang. Pero kung ‘yung friend mo sinabihan ka sa importanteng araw na iyon, parang nakakalungkot.
“Talagang nalungkot ako, sabi ko nga sa friend ko, ‘bakit ganoon, alam niyang (Karylle) mahalaga sa akin ito, eh? Itong ‘Girl Boy Bakla Tomboy’, na-stress ako rito, nahirapan ako rito, tapos nag-invite ako kasi gusto kong i-share ang saya ko sa inyong lahat na dapat nandito siya kasi kasama siya sa movie (cameo role) tapos ang ibibigay mong dahilan, ‘tinatamad kasi ako?’
“So dinedma ko, after niyon, hindi ko siya pinapansin. ‘Pag ako nagtampo, sobrang normal lang ‘yun.
Ipe-pair din lang bakit sa bakla pa?!
“Tapos noong nangyari ‘yung kay Vhong, sabi ko, ‘okay since may isyu tayo rito sa ‘Showtime’, I have to lead the group, I have to stand kailangan nating ayusin itong grupo natin, deadma na muna ako sa personal kong tampo kay K, deadma na muna ako sa tampo-tampo ko. Magtrabaho muna tayo, so okay na kami.
“Tapos may nakarating na naman sa akin na sobra akong nasaktan na isang beses nag-absent si K (sa ‘Showtime’), maysakit daw siya, tapos nakita siya ni direk Bobet (Vidanes), hindi ko alam kung saan. Tapos sabi sa kanya ni direk Bobet, ‘o, anong ginagawa mo rito? Sabi mo may sakit ka, ini-echos mo naman pala ako?
“Tapos kinausap siya (direk Bobet) ni K, sinabi ni K daw na, ‘umiiwas kasi ako dahil sobrang nao-offend daw si Yael (Yuzon), parang nahu-hurt siya (Yael) at hindi niya matanggap na sa rami ng puwedeng i-pair up sa kanya (Karylle), bakit bakla pa? Tapos, sobra na siyang pissed-off na anytime sasabog na at susugod daw sa studio, kaya sabi ni direk Bobet, ‘sige subukan niyang sumugod sa studio’
“Hindi naman sa pag-aano, sabi ni direk Bobet sa kanya (Karylle), ‘dapat nga nag-thank you pa kayo kay Vice dahil ‘di ba, nakatutulong sa inyo pareho ‘yung love team ninyo, nakakapagpakilig kayo ng tao, nakakapagpasaya kayo.’
“Noong sinabi sa akin iyon ni direk Bobet sobra akong nalungkot, anong offensive sa pagiging bakla ko, ‘di ba?
“Mayroon tayong ‘I am Pogay’, mayroon tayong ‘That’s My Tomboy’, mayroon tayong ganoon kasi ini-empower natin ang mga dating minority, para ma-acknowledge sila tapos nakaka-offend dahil ang ka-loveteam ng girlfriend mo ay bakla?
“Nalungkot ako roon kaya hindi ko siya pinapansin. Sabi ko, ‘sige ganoon pala, eh, ‘di hindi ako didikit sa kanya (Karylle), baka bugbugin ako ng jowa dahil baka sumugod pa rito, iwas na lang ako.
Mas makikinabang si Karylle sa loveteam
“Tapos, ipinaalam ko ‘iyon kay K na ganito nakarating sa akin, ganyan-ganyan, tapos sinabi niya (Karylle) hindi raw totoo, tapos sabi ko, ‘kung wala kang sinasabi, hindi tayo ang may isyu, kayo ni direk Bobet, mag-usap kayo ni direk Bobet.
“Nag-usap sila (direk Bobet at Karylle), tapos sabi ni direk Bobet sa kanya, ‘ano ako, para sirain ko ang grupo ko, para pag-away-awayin ko kayo? Kung anuman ‘yung dahilan mo kung bakit binabago mo ang istorya, naiintindihan kita kung gusto mong pangalagaan ‘yung boyfriend mo, pero ‘yan ‘yung sinabi mo sa akin.’
“Kaya ako, na-offend ako at nagdamdam ako. Unang-una, hindi ko naman gusto at hindi naman ako ang may pakana niyong love team dahil una nga, baklang-bakla ako, bakit ako makikipag-love-team sa babae?
“Kumbaga, hindi naman sa pagmamayabang, ayokong sabihin, pero let’s face it, mas makatutulong ako sa kanya (Karylle) kaysa akin.
“Hindi ko naman kailangan ng love team dahil hindi naman ako teenstar at hindi rin naman ako heartthrob, komedyante ako at para magpatawa.
“Sabi ko nga, ayoko ng love team kasi baka sabihin ng tao, nanloloko tayo, echos tayo. Pero dahil nag-e-enjoy ‘yung mga tao at sinabi ng staff ng ‘Showtime’ na for Karylle, so ginawa ko kaya (naging) ViceKarylle, kaya ginawa ko.
“Tapos sasabihin nila (Yael at Karylle), sa dinami-rami ng makaka-love team, bakla pa? Nalungkot ako, ‘yun lang,” mahaba at detalyadong kuwento ni Vice.
Kinakausap si Karylle pero hindi tsikang okay na okay
As of now ay kinakausap naman daw ni Vice si Karylle sa Showtime, “kinakausap ko naman siya kapag may meeting kami, sinasali ko siya, pero ayokong tsumika ng okay na okay kami (dahil) sobrang peke na ito.
‘Let’s just burn hurt, I will do my job, deadma na ako sa loveteam na ‘yan. Sabi ko rin kay K, ‘ikaw do your job, hindi lang naman ako ang katrabaho mo rito, may Anne, may Vhong, may Billy, ang dami mo riyang puwedeng ka-banter, huwag ka sa akin sumentro’.
“Kasi katwiran ko, hindi lang naman siya (Karylle) ang katrabaho ko roon, puwede tayong magtrabaho sa iba, we can still be friends, pero deadma na ako sa loveteam kasi ayoko naman ‘yung narinig ko,” katwiran pa.
Masaya sa kasalang Karylle at Yael
Sa tanong kung masaya si Vice sa pagpapakasal nina Karylle at Yael?
Mabilis nitong tugon, “bakit naman hindi, unang-una, ano namang epekto mayroon sa akin kasi hindi naman nila ako natapakan? At hindi naman sila naka-offend sa pagpapakasal nila, deserved naman nila ‘yun. I’m so happy for her.”
Sabay tanong namin ng, ‘paano kung inimbita ka, pupunta ka?
“Pag inimbita ako, hindi ko alam kung pupunta ako at saka hindi ko nga alam kung kailan ‘yung kasal at pangalawa, depende siguro, kung hindi pa ako masyadong okay sa emosyon ko, ayaw kong makipag-plastikan doon, pero I wish them well.
“I wish them well and hopefully open ako na lalong maging maayos pa kami kasi hindi kami puwedeng magkagalit ng matagal dahil magka-trabaho kami at saka lahat naman ‘yan lumilipas, ‘di ba?
“Kung nagkasala ako sa kanya, sana mapatawad nila ako, eventually, sana ako rin, sana maunawaan din nila ako, maayos ito,” seryosong sabi ni Vice.
Flowers from Karylle
Biniro ng moderator na si Erick John Salut si Vice na sana dalhan ka niya (Karylle) ng coat.
“Actually, pinadalhan niya ako ng flowers kanina (Miyerkoles sa ‘Showtime’), ano naman siya (Karylle), aminado naman siya. Nagpadala na siya ng sulat, nagte-text sa akin, sabi ko, okay na, huwag nating pilitin na mag-sweet-sweetan tayo, maglandian tayo kasi, let’s just be real, huwag tayong mameke.”
Thanksgiving para sa press
Pagkatapos magkuwento ni Vice ng tungkol sa tampo niya kay Karylle ay kaagad naman niyang isinegue ang pagpapasalamat sa entertainment press.
“Noong filmfest, I never had the chance na mag-thank you sa inyo at i-share sa inyo ‘yung saya namin kasi nagbakasyunan na lahat, tapos nag-victory party kami ng kabi-kabila.
“Eh, siyempre, noong nagsimula ‘yung ‘Girl Boy Bakla Tomboy’ nanghingi kami ng tulong sa inyo, ng suporta, kaya after ng ‘Girl Boy’, dapat pasalamatan din namin kayo dahil nga sinuportahan n’yo naman kami noon.
“Ang sagwa naman ng nagsisimula lang kami tapos pagdating sa ending, kami lang. Kaya gusto ko lang mag-thank you sa inyo,” ani Vice.
May pelikula ba uli si Vice ngayong Metro Manila Film Festival 2014, “depende kung swak sa schedule. Pero puwede namang gumawa ako bago mag-MMFF.
“Eto nga noong i-check ‘yung schedule, eto may butas (available) ka, puwede kang mag-thanksgiving party, kaya sabi ko, go!”
Kaya raw natuloy ang long-overdue blow-out.