NABIGO man sa Game Three ay hindi pinanghihinaan ng loob ang Easto Painters ni coach Joseller “Yeng” Guiao na nanggigigil na makabawi sa San Mig Coffee sa Game Four ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup best-of-seven championship series mamayang 8 pm sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Matapos na makuha ang Game One, 83-80, ang Rain or Shine ay natalo ng dalawang beses sa San Mig Coffee na ngayon ay nangunguna sa serye, 2-1.
Dinaig ng mixers ang Elasto Painters sa Game Two, 80-70 at pagkatapos at nakaulit, 77-76 sa Game Three noong Miyerkoles.
May pag-asa sana ang Rain Or Shine na mapanalunan ang Game Three subalit hindi nakakilos nang maayos si Paul Lee sa kanilang huling play at napilitang ipasa ang bola kay Jeff Chan na nagmintis sa buzzer-beating three-point shot.
Nabale-wala tuloy ang 23 puntos ni Lee na siyang pinakamataas niyang output sa isang laro kontra Mixers.
Sa GameThree ay nakalamang ang Rain or Shine ng siyam na puntos sa first quarter kung saan nagkaroon ng maagang foul trouble si James Yap na ibinangko hanggang sa katapusan ng first half.
Subalit mainit ang naging pagbabalik ni Yap sa third quarter kung saan gumawa siya ng 11 puntos upang mabura ang ealong putos na abante ng Elasto Painters.
Bagamat nagwagi sa Game Three ay aligaga si San Mig Coach Tim Cone na nagsabing “I feel my players are tired. We have to find a way to keep up with Rain or Shine.”
Subalit idinagdag niya na iba ang intensity at desire ng Mixers na naghahangad ng kanilang kauna-unahang back-to-back na kampeonato sa franchise history.
Ayon kay Cone ay crucial ang back-to-back na panalo sa Elasto Painters dahil ito ang unang pagkakataong nagawa nila ito kontra Rain or Shine sa tatlong serye. Natalo sila sa Rain or Shine sa Finals ng 2011-12 Governors Cup at sa semifinals ng Philippine Cup ng nakaraang season.
(SABRINA PASCUA)