ni Ed de Leon
“E H ano ba naman iyong halik,” ganyan ang naging sagot ni Deniece Cornejo sa isang TV interview sa kanya matapos siyang tanungin tungkol sa CCTV footage na nakuha mula sa kanyang condo building na nakitang hinahalikan siya ni Cedric Leenang makabalik sila roon matapos na mabugbog at maipa-blotter nila si Vhong Navarro. Iyong interview na iyon ang sinasabing dahilan kung bakit nagbitiw din siAtty. Raymond Fortun bilang spokesperson ni Cedric.
Napanood din namin ang CCTV footage na iyon. Kung iisipin nga, ano ba naman iyong halik sa leeg. Hindi naman ipinakitang nagkaroon sila ng torrid kissing, na siguro hindi naman nila gagawin sa loob ng isang elevator lalo na nga’t alam naman nila na may CCTV doon. Kung pamilyar naman kayo sa buhay ng mga modernong tao, iyang ganyang halikan ay normal na lang. Lipas na iyong panahon ni Maria Clara na mahawakan mo lang ang kamay ng babae, kailangang pakasalan mo na, o may relasyon na kayo.
Ang punto nga lang siguro ng prosecution sa paglalabas niyon ay para masabing hindi credible witness si Deniece, dahil paulit-ulit nilang itinanggi ni Cedric na may relasyon sila. Kung hindi nga naman credible si Deniece, paano paniniwalaan ang kanyang bintang na rape? Sa mga kaso kasi ng rape, kung minsan ang testimonyo lamang ng complainant ay pinaniniwalaan ng korte na sapat na. Sino nga ba naman kasi ang makapagsasabi kung siya ay napilitan lamang na makipag-sex kundi iyong biktima.
Kung mapapalabas ding may relasyon ang dalawa, ganoong aminado naman si Cedric na may asawa siya, lalong mababawasan ang kredibilidad ni Deniece at mapapalabas na ang lahat ay isang set up para lamang maisagawa ang extortion. Pero hindi dapat na mangibabaw ang espekulasyon. Iyang mga bagay na iyan ay kailangang patunayan muna nila sa korte, at ang korte ang bahala sa appreciation ng kanilang mga ihaharap na ebidensiya. After all ang nakikita lang nating ebidensiya ay kung ano ang inilalabas nila sa media. Hindi naman natin nasusuri nang tama ang mga ebidensiyang iyan. Sa korte kung saan may mangyayaring cross examination, mas lalabas kung ano talaga ang totoo.