ISA ang hunk actor na si Derek Ramsay sa mga celebrity na nakiisa sa mga biktima ng super typhoon Yolanda sa Tacloban recently. Bukod sa paghahatid ng saya sa mga guro sa inauguration ng walong disaster proof classrooms na ipinagawa sa Leyte, nakilahok din si Derek sa isang fun run doon para makalikom ng pondo.
Aminado ang TV5 aktor na nalungkot siya at napaiyak sa nakitang kalagayan ng mga taga-Tacloban. “I was in Tacloban and naiyak ako noong palapag pa lang… people should not be living in conditions like that. It’s sad…
”The improvement, nilinis na nila ‘yung mga kalye, pero parang ginilid lang. Makikita mo ‘yung mga bungo ng tao sa tubig e, makikita mo e.”
Nabanggit din dito ni Derek na naniniwala siyang higit 10,000 ang namatay sa Yolanda, taliwas sa mga sinasabi ng ating pamahalaan.
“The numbers that our government is saying na… it’s less than ten thousand … it’s more than 10,000,” nailing na sabi ni Derek. “Iyong mga body bags kasi, hindi lang iisang katawan ang nasa loob. Sometimes dalawa.. tatlo,.. and then sometimes sampung bata ang nasa loob (ng body bag).”
Idinadag pa niyang sa mga taga-Tacloban mismo nanggagaling ang sinasabi niya.
”Ang dami pa ring news doon. And sabi pa nga sa akin, ‘Akala namin noong pumunta kami rito two months after nang nangyari ay wala nang istorya rito.’ Pero ang dami pa raw istorya, e.”
Ayon pa kay Derek, pinaghalong awa at pagkalito ang naramdaman niya sa kanyang pagbisita sa Tacloban. “Nakakatuwa and sometimes confusing… kapag show namin, yung mga teachers, there were about five thousand teachers, talagang tuwang-tuwa sila, laughing… smiling. Pero you know, later-on na pag-alis namin, back to normal sila.
”At ang daming mga nabaliw daw after. May naglalakad doon, nakahubad… babae, nakita naming hubad-hubad. Talagang… pero hindi siya taong grasa ha, so, alam mong recently lang nabaliw. Iyon yung ikinukuwento sa akin, na ang daming… parang nag-give-up na lang, nawala na talaga sa sarili,” paliwanag pa ng actor na idinagdag pang marami pa talagang dapat ayusin at tulong na dapat na ibigay sa mga nasalanta ng Yolanda.
Samantala, hindi dapat palagpasin ang Bawat Sandali na isang pelikulang pang-telebisyon ng Studio5 Original Movies na ipalalabas sa TV5 sa February 25 sa ganap na ika-walo ng gabi. Ito ang pang-grand finale sa naturang love month series ng TV5 na mula sa pamamahala nina Direk Joel Lamangan at Eric Quizon.
Bukod kay Derek, ang Bawat Sandali ay tinatampukan din nina Angel Aquino, Yul Servo, Mylene Dizon, Phillip Salvador, Mon Confiado, at iba pa.
Gumanap dito si Derek bilang balikbayang na-in love sa isang may asawa na ginampanan ni Angel.
Bukod sa papuri sa mga kasamahan dito, nagpahayag naman ng katuwaan si Derek sa mga magagandang sinabi patungkol sa kanya ni Derek Joel. “Noong sinabi niya ‘yun sa akin sa set, talagang wow, galing sa kanya?
“Then he said, ‘kapag mayroon akong magandang material, ikaw ang kukunin ko.’ Sabi ko, ‘Wow! So, I look forward to that.’
“I like how disciplined he is. How each scene, alam na niya kung ano ang gusto o dapat lumabas sa eksenang ‘yun. And he’ll just whisper it in my ear and it gives me the freedom to express myself as an actor. And ‘yun, nagustuhan naman nya. Kaya nakakatuwa na a director like that, gave me such nice words,” wika pa ni Derek patungkol kay Direk Joel.
Nonie V. Nicasio