Monday , December 23 2024

Mga pulis na ilegalista at kolektor

MAY matinding disgusto sa mga sinungaling at pasaway, madalas na nagkakasa ng bala ang kolum na ito para sa bawat ilegal na negosyo at maging sa mga nakikinabang sa mga ito — partikular kapag mga pulis ang sangkot sa namamayagpag na negosyo ng pandaraya.

Sa Metro Manila, kakapiranggot pa lang ang nababago simula nang isa-isang pangalanan ng Firing Line ang mga operator ng mga ilegal na pasugalan at ang protektor ng mga ito simula noong nakaraang buwan.

Ang nakalulungkot pa, maging ang mga pulisya sa Metro Manila at ang mismong national headquarters ay napasok na rin ng ‘sangkatutak na pulis scalawag na sangkot sa mga ilegal na gawain, gaya ng pasugalan. Sinabi ng aking mga espiya na tuloy pa rin ang ilegal na negosyo sa Kamaynilaan ng mga pasaway na mga unipormadong pulis na ito.

Ngayong Martes, tututukan ng kolum na ito ang mga pulis na mismong nangangasiwa sa kani-kanilang ilegal na negosyo (gaya ng video karera, bookies ng karera ng kabayo, lotteng, saklaan at iba pa) at silang mga tumatanggap ng padulas para sa kani-kanilang hepe.

Isang SPO1 na tinatawag na “Paknoy” at nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang namamahala sa mga puwesto niya ng bookies sa karera, bukod pa sa pinangangasiwaan ang kaparehong operasyon ng beteranong si Apeng Sy sa sentro ng lungsod. Gayunman, ayon sa mga source, wala itong panama sa dambuhalang mga operasyon ni Boy Abang sa Tondo.

Isa namang pulis-Taguig na kilala bilang “Nonong C” ang nangangasiwa sa isang horse-race bookie joint at maging “loteng” (kombinasyon ng lotto at jueteng), at jueteng sa nasabing lungsod. Sigurado ang mga espiya ko na ang Nonong C na ito ang kilalang protektor ng video karera sa Taguig.

Sa Taguig pa rin, isang pulis na kinilalang si Jun Laurel ang may pa-video karera. Nagkalat sa lungsod ang kanyang mga makina, ayon sa aking mga espiya.

Isa namang police sergeant na tinatawag na John M. at isang Nancy (na may pa-lotteng sa Maynila) ang kasapakat ng isa pang big-time gambling operator na tinaguriang Jake Duling. Hawak ng tatlo ang mga pa-lotteng at saklaan sa Las Pinas. Bukod pa rito, mayroon din silang mahigit 50 VK machine na nakakalat sa buong lungsod.

Isang opisyal ng pulis na tinatawag na “Colonel Sam” ang kanilang “ninong”.

Sa Muntinlupa naman, tatlong kabagu-bagong pulis, na pawang PO1 lang, ang nagpapatakbo ng mga sugalan sa lungsod. Hindi nga maintindihan ng mga impormante kung sila ba ay nagpulis para maging ilegalista o dati nang mga ilegalista na nagpulis para maproteksiyunan ang kanilang negosyo.

Itong si Pedro P. ay naglatag ng video karera sa lungsod. Habang ito namang sina Michael D. at Mike O. ang may hawak ng mga tupada, ending, mahjong, cara y cruz, video karera, at tong-its sa area rin ng Muntinlupa.

***

Kaya marahil hindi natitinag sa kanilang mga maling gawain ang mga pulis na ito, kasama na rin ng mga sibilyang ilegalista, ay dahil may mga umiikot umanong pulis na sinasabing nangongolekta ng “tara” sa kanila upang hindi sila gambalain ng mga raiding team ng iba’t ibang unit ng pulisya.

Ilang sources na ang nagpatunay na seryoso sa pagpapatupad ng kanyang “no-take” policy si Director Carmelo Valmoria, NCRPO director, pero may mga pulis na walang sawang gumagasgas sa kanyang pangalan sa pagsasabing nagpapakolekta ang NCRPO. Isang Jun B. ang sinasabing nagpapakolekta sa mga bataan niyang pulis at sibilyan para sa NCRPO.

Isa namang PO2 Jigs na nakatalaga sa Eastern Police District ang umano’y nangongolekta ng padulas para sa ilang opisyal ng Southern Police District, NCRPO at Criminal Investigation and Detection Group-Special Task Force (CIDG-STF).

Sa totoo lang, wala naman talagang STF ngunit ang mga pondong nahakot ng mga kolektor nito ay dumidiretso umano sa ilang opisyal ng mga totoong unit ng CIDG.

Ginagamit ni Jigs ang isang Romy Lakay upang makakolekta ng pera mula sa lahat ng ilegal na negosyo—lahat ng klase ng sugal, paihi ng gasolina at krudo, at pasingaw ng LPG—sa katimugan ng Metro Manila. Iniintrega naman ni Jigs kay Jun B. ang kanyang koleksiyon.

Ito namang si Teddy S. ang tagakolekta sa Quezon City para sa NCRPO at CIDG National Capital Region (NCR). Si Arthur naman daw ang kumokolekta sa mga ilegal na negosyo sa katimugang Metro Manila, samantalang si Tagoy S. ang namamahala sa koleksiyon sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela).

Ang mga koleksyon nina Teddy, Arthur at Tagoy ay idine-deliver kay SPO4 Nono B., ang bagman ng CIDG-NCR.

Ang Detection and Special Operations Division (DSOD) naman daw ng CIDG ay ipinangongolekta nina PO3 Bong P., Chito G., Owan, at Jose.

Para naman sa SPD, si Jigs ang nag-iintrega kay PO2 Bebet na nakatalaga sa Police Regional Office 3. Si Bebet daw ang bagman ng SPD.

Si Baby M. naman daw ang bagman ng CIDG nationwide. Idinidirekta ni Jigs ang kanyang koleksiyon kay Baby M. sa pamamagitan ng kanyang man-friday na si “JR.”

Pagdating naman sa mga nightclub na may hubaran at maaaring maglabas ng babae sa Quezon City, si Jun P. ang nangongolekta ng “intelihensiya” na iniintrega naman kay JR para iabot kay Baby M.

Ayon sa mga espiya, isang dating pulis na nagngangalang “Nori” ang kumokolekta ng “tara” para sa Intelligence Group at Directorate for Intelligence ng Philippine National Police.

Para matigil na ang patuloy na pagsira sa pangalan ng PNP at sa mga unit na nasa ilalim nito, dapat lang siguro na kilalanin at ipaaresto na ang mga ito.

Nananawagan kami kay General Valmoria ng NCRPO at sa CIDG director na si Chief Superintendent Benjamin Magalong, pakiaksiyunan naman po ito para mapabulaanan ang balitang hindi totoo ang no-take policy ni PNP Chief Director General Alan Purisima.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.

Robert B. Roque, Jr.

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Sa Payatas, QC
P.7-M SHABU NASABAT ‘LADY PUSHER’ TIMBOG

ARESTADO ang 19-anyos babae sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Payatas A, …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *