Monday , December 23 2024

Gobyerno nagkamal sa rice imports — KMP (Consumers pinagkakitaan)

021814_FRONT
GINAGAMIT ng Department of Agriculture (DA) at National Food Authority (NFA) ang sistemang government-to-government (G-to-G) sa pag-aangkat ng bigas mula sa ibang bansa upang pagkakitaan ang mga mamamayang pumapasan sa mataas na presyo nito, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).

Sa isang panayam, binanatan ni KMP national chairperson at dating Anakpawis partylist Rep. Rafael Mariano ang “hindi seryoso at hindi sinserong” programang rice self-sufficiency ng DA at NFA kasama na ang umano’y napipintong pag-aangkat ng Filipinas ng 1.4 milyon metrikong toneladang bigas sa taong kasalukuyan.

“Ngayong taon, sabi ng USDA (United States Department of Agriculture) economic research service, ang projection niya e aangkat ang Filipinas for the year 2014 ng 1.4 million metric tons … Noong lumipas na taon 205,700 metric tons na ang inangkat … 500,000 naman ngayong Pebrero. Lalabas 705,700 (metriko tonelada) na, gamit ang government-to-government transaction,” pagsisiwalat ni Mariano.

Ayon sa dating mambabatas, gumastos ang NFA ng P14 bilyon sa inangkat na 205,700 metriko toneladang bigas noong 2013, $68 million o halos P3 bilyon ay para pa lamang sa shipment cost samantala hindi naman napababa ang presyo ng produkto sa merkado.

“Kung ipinamili ng palay sa magsasaka natin, makabibili ang NFA kahit P17 per kilo ng mga 176,000 metric tons, when milled, good for 4 days consumption. Natulungan pa ang magsasakang Filipino. At bakit gano’n kalaki ang ginastos sa shipment cost?” urirat nito.

Bukod dito, habang sinasagot ng bansa, sa pamamagitan ng subsidiya, ang 40 porsyentong taripa para sa importasyon ng bigas, para naman ginigisa sa sariling mantika ang mga mamimili dahil mas mahal na ipinapasa ang inangkat na bigas sa mga pamilihan.

“Sa gitna ng tumataas na presyo ng bigas, nakukuha pa ng NFA na pagkakitaan ang mamamayang Filipino, ‘yung inangkat nating 205,700 metric tons, nang tanungin ng Alyansang Bantay Bigas si administrator Orlan Calayag ng NFA … ‘magkano po ba ang presyo ng bigas ngayon dahil nakapag-avail kayo ng tax exemption expenditure subsidy?’… Sa bibig n’ya mismo nagmula, P19-20 per kilo. ‘Magkano n’yo naman binebenta? ‘E sa P25 per kilo … Sa bawat kilo ng imported rice (mula) sa Vietnam, kumikita (ang NFA) ng P5 per kilo. Sa 705,700 (kasama ang aangkatin nitong Pebrero) P2.5 to 3 billion ang kikitain,” paliwanang ni Mariano.

Sa kasalukuyang buwan ay pumalo na sa pinakamataas sa kasaysayan ang presyong tingi o retail price ng bigas sa halos P40 per kilo ayon mismo sa datos ng pamahalaan – isang pangyayaring naiwasan daw sana kung sa sektor agrikultura ipinuhunan ang P14 bilyong winaldas sa G-to-G transaction.

“Kung sana ibinigay sa ating magsasakang nagtatanim ng palay, sa Filipino rice farmers … tig-P20 thousand per hectare as production support, 500 thousand rice farmers ang natulungan natin. At kung ang average rice farm natin na tinataniman ng palay ay 1 hectare kada magsasaka, e di 500 thousand hectares ‘yun … kung ang ani ay 4 tons per hectare … pag binigas ‘yun, ang napakain nun, mga 12 million na mamamayang Filipino, halos katumbas ng populasyon ng Metro Manila. Sa P10 bilyon pa lang ‘yun,” ayon kay Mariano.

“Hindi seryoso e. Hindi sinsero. Iba ang sinasabi, Iba ang ginagawa,” dagdag niya.

HATAW News Team

About hataw tabloid

Check Also

dead gun

Kapapasa lang sa board exam
GURO PATAY SA PAMAMARIL

IMBES pagdiriwang, napalitan ng pagluluksa ang saya ng isang pamilya nang mapaslang ang kanilang kaanak …

Senate CHED

Ekspansiyon ng SUCs suportado ng Senado

SUPORTADO ni Senador Alan Peter Cayetano ang mga panukalang batas na magpapalawak sa ilang state …

Sim Cards

Shortcut sa SIM card registration imposible — CICC

BINIGYANG-DIIN ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na walang paraan para mapabilis ang SIM …

Motorcycle Hand

Panawagan kay BBM
Motorcycle taxis ‘wag nang dagdagan — NACTODAP

NANAWAGAN ng suspensiyon ang iba’t ibang grupo ng tricycle operators and drivers associations (TODAs) laban …

Dead body, feet

Umakyat para magkabit ng ‘jumper’
LALAKI NAHULOG MULA SA POSTE NG KORYENTE, NANGISAY, PATAY

PATAY na bumagsak ang isang lalaking pinaniniwalaang umakyat sa poste ng koryente upang ilegal na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *