SIGURADONG maigting ang magiging duwelo ng Blackwater sports at Big Chill sa winner-take-all Game Three ng semifinal round ng PBA D-League Aspirants cup mamayang 3 pm sa The Arena sa San Juan.
Nakataya ang ikalawang finals berth sa salpukang ito at ang magwawagi ay makakaharap ng defending champion NLEX Road Warriors sa best-of-three affair. Ang championship series ay magsisimula na sa Biyernes sa ganap na 4:30 pm sa Smart Araneta coliseum sa Quezon City.
Napuwersa ng Big Chill ang Blackwater Sports sa sudden-death match na ito matapos na magwagi sa Game Two, 95-84 noong Huwebes. Ang Blackwater Sports ay nanalo sa Game One, 84-72.
“Nasa players na ito. Kaming mga coaches ay nagplano at naihanda na namin sila sa ensayo. Yung execution ay sa kanila na. The team that wants it more will win,” ani Big Chill coach Tobert Sison.
Main men ng Superchargers sina Juneric Baloria, Mar Villahermosa, Janus Lozada at ex-pros Reil Cervantes at Khasim Mirza.
Ang Big Chill ay nagtala ng 11-2 record sa elimination round at nakasalo ng NLEX sa itaas ng standings. Sa kabilang dako ay pumang-anim lang ang Blackwater Sports na nangailangan ng dalawang panalo kontra Jumbo Plastic sa quarterfinals upang umabot sa yugtong ito.
Bago natalo sa Game Two, ang Elite ay may five-game wining streak.
Sa kabila ng pangyayaring nabigo ang Blackwater sports na mawalis ang Big Chill sa semis, naniniwala si coach Leo Isaac na kaya pa rin nilang makarating sa Finals upang mabuhay ang pangarap na maisubi ang ikalawang sunod na kampeonato.
Magugunitang tinalo ng Blackwater Sports ang NLEX sa Finals ng nakaraang Foundation Cup.
Ilan sa mga inaasahan ni Isaac sina jericho Cruz, Allan mangahas, Gio Ciriacruz, Narciso Llagas at Kevin Ferrer.
Naunang pumasok ang NLEX sa Finals matapos na mawalis ang Hog’s Breath Cafe sa semis. Nagwagi ang NLEX sa Game One (99-74) at Game Two (85-72).
(SABRINA PASCUA)